
Bangsamoro Peace and Justice Education Course sa Grade 7, Pormal na Inilunsad sa BARMM

(Litrato kuha ng BMN/BangsamoroToday)
DAVAO CITY (Ika-10 ng Agosto, 2025) — Pormal na inilunsad ang Peace and Justice Education Course — Finding Peace Within, Cultivating Peace Beyond sa isang makabuluhang pagtitipon noong Sabado, Agosto 9, sa Grand Regal Hotel, Davao City. Ang programa ay bahagi ng inisyatibo ng Save the Children, kasama ang Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE), at SEAMEO INNOTECH, sa suporta ng European Union sa ilalim ng Project SENANG.
Layunin na palalimin ang kaalaman ng mga kabataan at komunidad sa kapayapaan, katarungan, at karapatang pantao sa rehiyon ng Bangsamoro. Ang kurso ay isasama sa values education subject na naka align sa Bangsamoro Education Framework, Bangsamoro Basic Education Curriculum Contextualization Framework at MATATAG Curriculum Guide.

Bilang bahagi ng programa, nagkaroon ng media forum kung saan nakapanayam ng mga mamamahayag ang mga piling panelista: sina MBHTE Director General Abdullah Salik Jr., Bureau Director for Basic education Johnny Balawag, Chief Curriculum and Instruction Division Yul Olaya, MILF TJR Chair Ammier Dodo, Edwin Philip Horca ng Save the Children Philippines, at Dr. Juan Robertino D. Macalde ng SEAMEO INNOTECH — mga kinikilalang eksperto sa larangan ng edukasyon, civil society, at peacebuilding.
Tinalakay sa forum ang mga pangunahing isyu sa usapin ng kapayapaan at katarungan sa konteksto ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at ng rehiyong ASEAN. Isa sa mga tampok na usapin ang integrasyon ng Peace Education sa kurikulum ng mga paaralan sa Bangsamoro bilang hakbang tungo sa isang mas mapayapang lipunan.

“It is in our mandate na magkakaroon tayo ng Peace Education at all levels. It so happen lang na nasimulan natin sa Grade 7. Ang ginagawa natin ngayon ay through curriculum instructions division na nag-contextualize sila ng curriculum na integrated sa peace education,” pahayag ni Salik, Jr.
Ayon kay Salik, Jr. ito ay pilot program muna ngunit aasahan na ipapatupad sa buong BARMM.
Binanggit din ang koneksyon ng kursong ito sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB), na nagsilbing pundasyon ng kasalukuyang pamahalaang Bangsamoro. Ayon sa mga tagapagsalita, mahalagang bahagi ng programa ang pagbibigay-diin sa kasaysayan at mga adhikain ng rehiyon upang mapatatag ang pagkakaunawaan ng mga kabataan sa kanilang pagkakakilanlan at layunin bilang Bangsamoro.

“People outside the Bangsamoro should understand because we are now demanding respect from other people, for that respect to be attended to, they need to understand us,” wika ni Dodo.
“Our recommendation in the mechanisms not only in the education but including the national history commission yung pagre review ng kasaysayan ng Pilipinas, to include the narrative of the Bangsamoro people in the nation-building of the Philippines,” giit ni Dodo.
Inilahad din ang mahalagang papel ng civil society organizations (CSOs) sa proseso ng peacebuilding sa rehiyon. Binigyang-diin ng mga panelista na ang aktibong pakikilahok ng mga non-government organizations ay nagbibigay ng boses sa mga mamamayan at tumutulong sa epektibong pagpapatupad ng mga programang pangkapayapaan.
Sa panayam ng BMN/BangsamoroToday kay Horca, sinabi nito na mahalaga ang monitoring upang matiyak na magtagumpay ang programa, “Ang kurso ay may mga task s’yang gagawin…nakikita yung kanilang active participation sa peacebuilding.”

Kasama rin sa tinalakay ang magiging epekto ng kurso sa mga mag-aaral sa BARMM at ang mga hakbang sa pagsasanay ng mga guro upang maging mahusay na tagapagturo ng Peace and Justice Education. Ayon sa mga opisyal, ang mataas na kalidad ng training para sa mga guro ay susi sa matagumpay na pagpapatupad ng programa.
Ang kurso ay ituturo sa pamamagitan ng mga module katulad ng orientation tungkol sa kurso, navigating the changing world, perspective in peace in the Bangsamoro, self-discovery and peace discovery, cultivating inner peace, non-violent communication and empathy, using technology, culminating module applying peacebuilding.
Sa pagtatapos ng pagtitipon, nagpasalamat ang mga opisyal sa suporta ng media at civil society. Nanawagan din sila ng patuloy na kooperasyon mula sa lahat ng sektor upang maisulong ang edukasyon bilang makapangyarihang kasangkapan sa pagkamit ng pangmatagalang kapayapaan sa Bangsamoro. (Hannan G. Ariman, BMN/BangsamoroToday)