
Empowering BARMM through Digital Access and E-Governance, Sentro ng MHSD-GCash Meeting

COTABATO CITY (Ika-28 ng Hulyo, 2025) — Opisyal nang nagkaisa ang Ministry of Human Settlements and Development (MHSD), ang Housing Arm ng BARMM, at ang GCash sa isinagawang partnership signing na may temang “Empowering BARMM through Digital Access and E-Governance”, noong Hulyo 17, 2025 na ginanap sa Pavilion Hall, Shangri-La The Fort, Bonifacio Global Center (BGC), Taguig City, Metro Manila na layuning mapabilis at mapagaan ang pagbibigay serbisyo sa pamamagitan ng platapormang digital.
Ayon sa MHSD, ito ay kasunod ng matagumpay na ‘GCash for the Nation Workshop’ na magkatuwang na isinakatuparan ng MHSD at GCash noong Hunyo 10, 2025 sa Cotabato City na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang Bangsamoro Ministries, Offices, at Agencies (BMOAs) at iba pang stakeholders.
“Ito ay kabilang sa mga inisyatiba ng MHSD na makipagtulungan sa hangarin ng pamahalaan ng BARMM para sa moral governance; bahagi ito nito,” wika ni Minister Atty. Hamid Aminoddin D. Barra ng MHSD.
Sinabi ni Minister Barra na ang moral governance ay makakamit lamang kung tunay na paglilingkuran ang mga mamamayan sa pamamagitan ng lahat ng paraang magiging mas madali sa kanila, paglingkuran ng pinakamagandang paraan na kaya ng MHSD at sa pamamagitan ng GCash, ay magagawa anya ito.
“Bahagi rin ito ng pagsuporta sa Enhanced 12-Point Priority Agenda ni Chief Minister Hon. Abdulraof A. Macacua kung saan nais niyang itaguyod ang digital governance sa BARMM at labis kaming natutuwa sa pagsisikap na ito at handa kaming hilingin sa ibang mga BMOAs na sumama sa amin sa inisyatibang ito,” dagdag pa niya matapos ipahayag ang kanyang kasiyahan sa nalaman niyang pagtulak ng GCash para sa mga serbisyong Shariah-compliant.
Samantala, ang President and Chief Executive Officer (CEO) Oscar Enrico ‘Ren-Ren’ Reyes, Jr. ng G-Exchange, Inc. (GCash) ay nagbahagi ng mensahe ng saya, pasasalamat, at pangako sa programa noong lagdaan ang kasunduan, na nasaksihan ng mga pangunahing kawani ng dalawang panig.
Lubos na I pinagmamalaki ni President and CEO Reyes ng GCash, kasama ang MHSD, ang pagsulong ng iisang mithiin ng pagsasama-sama, pagpapalakas, at pagbabago para sa buong Pilipinas.
“Gabay ang isang estratehikong pokus sa Islamic inclusion, ipinagbubunyi ng GCash ang pakikipagtulungan sa MHSD tungo sa Shariah-compliant finance kaakibat ang BSP at iba pang mga Ministries ng BARMM; ang aming layunin ay tiyakin na ang mga Muslim na Pilipino ay makakalahok nang may kumpiyansa sa digital economy, iginagalang ang kanilang mga halaga sa pamamagitan ng pagkamit ng mga benepisyo ng modernong pananalapi,” wika ni President Reyes.
Anya ang inobasyon na ito ay may potensyal na mapaunlad ang mga serbisyo ng gobyerno tulad ng mga programang pabahay at tulong kalamidad na mas mabilis, mas episyente, at abot-kamay, lalo na para sa mga underserved communities.
Sinabi ni President at CEO Reyes na ang pakikipagtulungan sa MHSD ay nagmamarka ng isang bagong kabanata sa paglalakbay na ito kabilang ang digital payments sa mga serbisyo ng gobyerno, at mapapabilis ang paghahatid ng mga suportang panlipunan at pang-ekonomiya sa mga pinakanangangailangan nito. (Tu Alid Alfonso, BMN/BangsamoroToday)