
‘Elected Officials’ ng Maguindanao del Norte at del Sur, Nanumpa sa Kanilang Tungkulin

COTABATO CITY (Ika-17 ng Hunyo, 2025) — Pormal nang nanumpa sa tungkulin ang mga bagong halal na lokal na pinuno ng Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur kabilang dito si Governor Datu Tucao Mastura at Governor Datu Ali Midtimbang kahapon ika-16 ng Hunyo, sa Shariff Kabunsuan Cultural Complex (SKCC) sa loob ng Bangsamoro Government Center (BGC) sa Cotabato City.
Dumalo sa seremonya si Bangsamoro Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” A. Macacua, kasama ang ilan pang matataas na opisyal ng Bangsamoro Government, upang saksihan ang panunumpa ng mga bagong opisyal na nahalal noong midterm elections na ginanap noong ika-12 ng Mayo, 2025.
Sa kanyang keynote address, muling iginiit ni Chief Minister Macacua ang tunay na kahulugan ng pamumuno na hindi nasusukat sa kapangyarihan, kundi sa tiwala, pananagutan, at higit sa lahat ay ang pagkatakot sa Allah (S.W.T.) kaysa sa takot na mawalan ng posisyon.
Ang kaganapang ito ay itinuturing na mahalagang bahagi ng pagpapatibay ng lokal na pamahalaan sa rehiyon, at isang simbolo ng nagpapatuloy na layunin ng BARMM tungo sa responsableng pamumuno at makataong serbisyo sa Bangsamoro. (Tu Alid Alfonso, BMN/BangsamoroToday)