
MSSD, nagsasagawa ng validation at tulong para sa mga binaha sa Maguindanao del Sur

COTABATO CITY (Ik-23 ng Mayo, 2025)—Nagsasagawa ng flood validation at monitoring ang Ministry of Social Services and Development (MSSD) sa 14 na bayan ng Maguindanao del Sur. Aabot sa 45,778 na kabahayan ang naapektuhan ng patuloy na pag-ulan at pagtaas ng baha.
Dahil sa lawak ng epekto, nagdeklara ng State of Calamity ang pamahalaang panlalawigan noong Ika-19 ng Mayo. Kaagapay ang mga lokal na pamahalaan, MDRRMO, at mga opisyal ng barangay, nagpadala ang MSSD ng mga tauhan sa mga evacuation center upang tukuyin ang mga pamilyang lumikas at alamin ang kanilang agarang pangangailangan.
Noong Ika-21 ng Mayo, naabot na ng MSSD ang mga matinding apektadong bayan tulad ng Sultan sa Barongis, Datu Salibo, Datu Saudi Ampatuan, Mamasapano, Datu Piang, Rajah Buayan, Shariff Saydona Mustapha, Shariff Aguak, Ampatuan, at Datu Anggal Midtimbang. Maraming pamilya ang kasalukuyang nanunuluyan sa mga paaralan, covered courts, at iba pang evacuation centers.
Inaalam ng MSSD ang bilang ng mga pamilyang lumikas (IDPs) at ang kanilang pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, malinis na tubig, gamot, banig, at hygiene kits. Gamit ang rapid assessment tools at ang I-PART system, sinisiguro ng MSSD na tama at maayos ang mga datos na makokolekta para maging mabilis at akma ang pagbibigay ng tulong.
Nakapaghatid na ng tulong ang MSSD sa mga bayan ng Datu Piang, Datu Anggal Midtimbang, at Ampatuan. Patuloy pa rin ang pakikipagtulungan ng MSSD sa mga lokal na opisyal upang maipagpatuloy ang mabilis at makataong tulong sa mga binahang komunidad.
Habang nagpapatuloy pa ang pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng Maguindanao del Sur, nananatiling tapat ang MSSD sa kanilang layunin na magbigay ng inclusive at life-saving social services para sa mga pinakaapektadong mamamayan sa rehiyon ng Bangsamoro. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)