MSSD, Ipinagdiwang ang Unang Pagtatapos ng Vocational Training para sa mga PWD sa Bangsamoro

(Litrato mula sa MSSD-BARMM)

COTABATO CITY (Ika-21 ng Mayo, 2025) — Ipinagdiwang ng Ministry of Social Services and Development (MSSD) ang kauna-unahang Completion Ceremony para sa mga trainee ng Vocational Rehabilitation Skills Training Program ng Center for Persons with Disabilities (CPWD) noong ika-19 ng Mayo sa pasilidad ng CPWD sa Rosary Heights 10, Cotabato City.

May temang “Empowering Futures: Celebrating Skills, Growth, and Inclusion for All,” layunin ng programa na bigyan ng sapat na kasanayan ang mga Persons with Disabilities (PWDs) sa Bangsamoro upang mapabuti ang kanilang kakayahang makapagtrabaho o makapagsimula ng sariling kabuhayan.

Labing-anim (16) na PWDs ang matagumpay na nagtapos sa tatlong kursong teknikal: Massage Therapy (4), Basic Computer Operation (6), at Cookery (6).

Ayon kay CPWD Head Bryan T. Abdullah, iniharap niya sa MSSD Director General Mohammad Muktadir Ahmad Estrella ang mga nagsipagtapos, na buong puso namang binati at kinilala ni DG Estrella.

Ginawaran din ng parangal ang mga trainee na namukod-tangi sa mga larangan tulad ng praktikal na aplikasyon, kalinisan at propesyonalismo, food safety, computer proficiency, digital leadership, at attendance.

Namahagi rin ng mga sertipiko, medalya, at post-course grant sa mga nagsipagtapos. Ang grant ay halagang P50 kada araw ng training na kanilang dinaluhan, bilang suporta sa kanilang pagsisimula sa trabaho o karagdagang pag-aaral.

Sa kanyang keynote message, binigyang-diin ni Director General Estrella ang kahalagahan ng seremonyang ito sa kasaysayan ng Bangsamoro: “This is the first-ever vocational training completion ceremony under the Bangsamoro Government. It is a testament to what we achieve when we fight for meaningful change. Our mujahideens and mujahidats fought for an inclusive society. In that vision, we see no distinction between those with disabilities and those without. Today’s celebration is an expression of the love, grace, and compassion we all hold for persons with disabilities. As long as MSSD and the CPWD exist, you will never be alone.”

Isa sa mga nagsipagtapos ay buong pusong nagpasalamat sa mga nagturo at nag-alaga sa kanila: “Ako’y nagpapasalamat sa lahat ng nandito sa center—kahit gaano kahirap kaming turuan, hindi sila nagsawa sa amin. Bago ako nag-training, sa bahay lang ako. Si misis lang ang naghahanapbuhay; may maliliit kaming anak. Pero dahil sa training sa center, natuto ako at lumakas ang loob ko. Kahit mahirap, tiniis ko. Pinangarap kong magkaroon ng skills, kaya kahit sobrang challenging, pinilit kong tapusin. Naniniwala ako sa kasabihang ‘hindi mo makakamtan ang pangarap kung hindi mo dinaranas ang hirap.’ Ngayon, ramdam ko ang saya at pag-asa. InshaAllah, magkakaroon ako ng sarili kong masahéhan balang araw. Maraming salamat sa Bangsamoro Government.”

Dumalo rin sa programa ang iba pang opisyal ng MSSD gaya nina Deputy Minister Nur-Ainee Tan Lim, PSWD Chief Sandra B. Macacua, at Planning and Development Division Chief Jamal M. Ali, kasama ang mga tagapagsanay, pamilya ng mga trainee, at mga partner organizations.

Kabilang sa mga partner na nagpakita ng suporta ay ang Lab Law Firm, MBHTE–TESD at ALS, UNICEF, CCPO–PNP, Cotabato City LGU, at PDEA. Sila ay nagbigay din ng mensahe ng suporta para sa patuloy na pagbibigay ng pantay na oportunidad at pagkilala sa kakayahan ng mga PWD sa Bangsamoro.

Ang CPWD ay patuloy na nagsisilbing ligtas at makabuluhang lugar kung saan ang mga PWD ay natuturuan, naiaangat, at binibigyan ng pagkakataong mamuhay nang may dignidad. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post MBHTE Nagsusulong ng Reporma sa Edukasyon sa DAPAT 2025 Review
Next post MENRE, Nakilahok sa Pambansang Workshop ukol sa Ramsar Resolutions