
MHSD Pinangunahan ang Pagpapatayo ng Training Center sa Brgy. Darapanan, MDN

COTABATO CITY (Ika-14 ng Mayo, 2025) — Masayang tinanggap ng mga miyembro ng Social Welfare Committee (SWC) ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Brgy. Darapanan, Maguindanao del Norte ang balitang sinimulan na ang pagtatayo ng kanilang dalawang palapag na multipurpose training center. Ang groundbreaking ceremony ay isinagawa noong ika-24 ng Abril, sa pangunguna ng Ministry of Human Settlements and Development (MHSD), kasama si Engr. Aida M. Silongan, dating miyembro ng Bangsamoro Parliament.
Ang proyektong ito ay may sukat na 15×20 metro at kabuuang floor area na 600 square meters. Mahigit PhP16 milyon ang inilaan para dito mula sa Transitional Development Impact Fund (TDIF) 2024 sa ilalim ng opisina noon ni MP Silongan.
Pinangunahan ni Minister Atty. Hamid Aminoddin Barra ng MHSD ang seremonya. Muli niyang pinagtibay ang pangako ng kanilang ministeryo sa pagtatayo ng mga pabahay at pagpapatupad ng mga proyekto sa tulong ng mga miyembro ng parliyamento.
“We cannot ignore women because they are part of our jihad and, in fact, they are the soul of humanity; there is no Mujahideen without the Mujahidaat. You (the SWC women members) are the soul of our struggle,” ani Minister Barra.
Ayon naman kay MP Silongan, “The purpose of the training center is to help develop and empower the SWC that will manage its use and operation, as this facility will be open for all and can be used by anyone after its completion.”
Kasama rin sa okasyon sina Deputy Minister Aldin H. Asiri, Bangsamoro Director General Esmael W. Ebrahim, Salem C. Demuna, REA, Director II for Operations and Management Services, mga kawani ng MHSD, opisyal ng barangay, at mga miyembro ng komunidad.
Tututukan ang pag-usad ng proyekto ng MHSD-Maguindanao del Norte sa pamumuno ng kanilang Provincial Director na si L. Arch. Jehanna M. Abdulkarim. Dumalo rin sa aktibidad sina PD Noroden S. Abdullah ng MHSD-Maguindanao del Sur at PD Hamzah A. Salik ng MHSD-Special Geographic Area.
Ang training center ay inaasahang magiging mahalagang bahagi ng pagpapalakas at pag-unlad ng kababaihan sa Darapanan at sa buong komunidad. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)