
100 Kabataang Trainee, Dumalo sa Training Induction Program ng MBHTE-TESD sa Tawi-Tawi

COTABATO CITY (Ika-8 ng Mayo, 2025) — Isang matagumpay na Training Induction Program (TIP) ang isinagawa ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education – Technical Education and Skills Development (MBHTE-TESD) para sa 100 trainees mula sa iba’t ibang bayan ng Tawi-Tawi noong ika-28 ng Abril.
Ang TIP ay bahagi ng Bangsamoro Scholarship Program-TVET (BSP-TVET) para sa mga kursong Driving NC-II, Organic Agriculture Production NC-II, at Carpentry NC-II. Ito ay para sa kursong Driving NC-II sa MPW Motorpool, Tubig-Boh, Bongao. Dumalo rito ang 25 trainees mula sa Bongao.
Samantala, isinagawa rin ang TIP sa bayan ng Simunul para sa isa pang grupo ng 25 trainees sa ilalim ng Community-Based Training (CBT).
Sinundan ito ng TIP para sa Organic Agriculture Production NC-II at Carpentry NC-II noong ika-24 ng Abril . Ginawa ito sa Barangay Tubig-Basag, Bongao, at nilahukan ng tig-25 trainees bawat kurso. Layon ng mga Community-Based Training na maabot ang mga kabataan at manggagawang nasa malalayong lugar upang mabigyan sila ng pagkakataong matuto ng teknikal na kasanayan.
Sa TIP, ipinaliwanag sa mga trainee ang mga mahahalagang bahagi ng training gaya ng paraan ng pagtuturo, competency standards, inaasahan sa programa, proseso ng pagsusulit, at occupational health and safety standards. Layunin ng TIP na ihanda ang mga trainee sa kanilang hands-on training at tiyakin na nauunawaan nila ang buong programa.
Pinangunahan ang programa nina MBHTE-TESD Provincial Director Maryam S. Nuruddin, EdD., Center Administrator Elmin H. Arsad, Vocational Instruction Supervisor Abdurasad P. Munabirul Jr., at Scholarship Focal ng MBHTE-TESD PO na si Engr. Mashar A. Jul. Binigyang-inspirasyon nila ang mga trainee tungkol sa kahalagahan ng teknikal na kasanayan para sa mas magandang kinabukasan.
Ang matagumpay na TIP ay patunay ng dedikasyon ng MBHTE-TESD sa pagbibigay ng dekalidad na technical at vocational training para sa mga kabataang Bangsamoro. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)