
MHSD, Nakipagkasundo sa R8:28 para sa Makabago at Abot-Kayang Pabahay sa Bangsamoro

COTABATO CITY (Ika-6 ng Mayo, 2025) — Pinangunahan ni Minister Atty. Hamid Aminoddin D. Barra ng Ministry of Human Settlements and Development (MHSD), ang ahensiyang responsable sa pabahay sa BARMM, ang pagpirma ng kasunduan o Memorandum of Understanding (MOU) kasama ang R8:28 Construct Corp para sa pagdisenyo ng makabago at abot-kayang pabahay para sa mga taga-Bangsamoro.
Kasama ni Minister Barra sa paglagda sina Deputy Minister Aldin H. Asiri, Bangsamoro Director General Esmael W. Ebrahim, at Director II para sa Operations and Management Services na si Salem C. Demuna, REA. Lumagda rin si Dr. Jess Delgado, Pangulo ng R8:28.
Nagpahayag ng pasasalamat si Minister Barra sa nasabing kasunduan at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagtutulungan ng gobyerno at pribadong sektor sa paglikha ng modernong pabahay na abot-kaya ng mga mamamayan sa rehiyon.
“We will see this as a stern commitment to make it happen here in the BARMM,” ani Pres. Delgado, na iginiit ang kahalagahan ng kanilang kasunduan.
Bilang bahagi ng MOU, gagawa ang R8:28 ng feasibility study o pag-aaral kung posible at paano maisasagawa ang proyekto. Sagot ng R8:28 ang gastos para sa pag-aaral na ito. Kabilang sa pag-aaral ang disenyo, pagpopondo, at konstruksiyon ng pabahay. Ang MHSD naman ay susuporta sa pamamagitan ng pagbibigay ng datos na kakailanganin sa pagpaplano.
Magtatampok ang disenyo ng townhouse na ihahain ng R8:28 sa MHSD para sa masusing pagsusuri. Kapag naaprubahan, maaring simulan ang konstruksyon. Regulatory services o ang mga tuntunin ng pamahalaan kaugnay ng proyekto lamang ang pananagutan ng MHSD.
Ang MOU signing ay isinakatuparan sa pangunguna ng Policy Development, Coordination and Regulation Division sa pamumuno ni Chief Abdulhamid C. Alawi, Jr., katuwang ang Housing and Human Settlements Division na pinamumunuan ni Chief Shallahudin S. Cosain.
Ginanap ang seremonya noong ika-24 ng Abril sa Conference Room ng MHSD Regional Office, Bangsamoro Government Center, Cotabato City. (Hasna U. Bacol,BMN/BangsamoroToday)