
MOH-BARMM, Ipinagdiriwang ang World Immunization Week sa Cotabato City

COTABATO CITY (Ika-30 ng Abril, 2025) — Sa paggunita ng World Immunization Week (WIW), matagumpay na isinagawa ng Ministry of Health ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MOH-BARMM) ang isang makulay na selebrasyon sa Cotabato Regional Medical Center (CRMC). Bitbit ang temang “Immunization for All is Humanly Possible,” layunin ng pagdiriwang na ipagpatuloy ang kampanyang “Humanly Possible” upang masigurong mas maraming tao, lalo na ang mga bata, ang nabakunahan.
Ang WIW ay inilunsad upang ipaalala ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos sa pagpigil ng mga sakit na maaaring iwasan sa pamamagitan ng bakuna. Binibigyang-diin ng temang ito na dapat abot-kaya at abot-kamay ang bakuna para sa lahat, anuman ang edad, estado sa buhay, o lokasyon.
Sa kanyang mensahe, ibinahagi ni Mr. Ron Aray, RN, Nurse IV at Regional Bangsamoro Immunization Program (BIP) Manager ng MOH-BARMM, ang mahahalagang punto tungkol sa WIW. Aniya, “Ang ministeryo ay naglaan ng pondo para sa pagbabakuna upang ito ay maging abot-kaya at abot-kamay ng mga Bangsamoro. Lahat ay maaaring maging bayani, at baka sakaling mabawasan ang dami ng mga na-ospital sa pamamagitan ng pagbibigay ng routine immunization.”
“This serves as a crucial reminder of the importance of vaccines in safeguarding public health and preventing the spread of infectious diseases. Our health workers, together with our partners and our volunteers, have worked hand in hand to vaccinate the vulnerable children. Our joint effort saves numerous lives, attaining 88% coverage during the MORI 2024. We enhance vaccination initiatives that target the eligible population, ensuring that no one is left behind,” ayon kay Health Minister Dr. Kadil M. Sinolinding, Jr., MD, DPBO sa isang video message.
We can build a better future in the Bangsamoro region where no one suffers from vaccine-preventable diseases. Rest assured that the MOH-BARMM family and the government under the leadership of Interim Chief Minister Abdulraof Macacua will continuously deliver and improve the healthcare services for everyone,” dagdag nito.
Nagpahayag rin ng suporta si Dr. Martin Parreno mula sa United Nations Children’s Fund (UNICEF). Aniya, aktibo silang gumagawa ng hakbang upang mapangalagaan ang buhay ng bawat bata sa pamamagitan ng pagbabakuna, dahil ito ay isang batayang karapatang pantao.
Dagdag pa ni Dr. Isolde Mayo, MD, FPPS, “We need sustainable participation to address these uncertainties that hinder the immunization drive associated with vaccine hesitancy by revitalizing immunization practices in BARMM.”
Mula naman sa pananaw ng Islam, tiniyak ni Sheikh Mohammad Taib Pangca, isang Islamic jurist mula sa Bangsamoro Darul Ifta (BDI), na ang bakuna mula sa MOH-BARMM ay halal at ligtas gamitin.
Samantala, patuloy ang panawagan ni Dr. Dayan L. Decampong-Sangcopan, MCHM, Family Health Cluster Head, na paigtingin pa ang pagbabakuna sa BARMM, lalo na para sa mga ina at bata.
Sa huli, muling pinagtibay ng MOH-BARMM ang kanilang paninindigan na pangalagaan ang kalusugan ng bawat Bangsamoro sa pamamagitan ng mas pinalakas na immunization services at mga programang pangkalusugan.
Nagsagawa rin ng ceremonial vaccination ang BIP katuwang ang mga development partners na UNICEF, WHO, IOM, at ang CHO-Cotabato bilang bahagi ng selebrasyon. (Hasna U. Bacol,BMN/BangsamoroToday)