
MSSD, Pinangunahan ang Moving Up Ceremony sa Sultan Mastura, MDN

COTABATO CITY (Ika-24 ng Abril, 2025) — Umabot sa 285 na batang mag-aaral mula sa 17 Child Development Centers (CDCs) sa Sultan Mastura ang nagtapos sa Moving Up Ceremony na isinagawa ng Ministry of Social Services and Development (MSSD) noong ika-22 ng Abril na ginanap ang selebrasyon sa Municipal Gymnasium bilang bahagi ng Child and Youth Welfare Program (CYWP) ng MSSD.
Ang tema ng programa ay “Unang Hakbang Tungo sa Maunlad na Kinabukasan”, na nagbigay-diin hindi lang sa akademikong pag-unlad kundi pati na rin sa kabuuang paghubog ng pagkatao at kakayahan ng bawat bata.
Sa kanyang mensahe, binigyang-pugay ni MSSD Project Evaluation Officer II Arbaine Guiabar ang malaking pagbabago sa mga bata mula nang sila ay nagsimula. “Ang bawat guhit sa krayola, bawat kwento, bawat tawa at halakhak na inyong pinagsaluhan — lahat ng ito ay maliliit ngunit mahalagang hakbang,” ani Guiabar. “At sa bawat hakbang na iyon, kayo ay papalapit sa isang hinaharap na puno ng pag-asa at tagumpay.”
Pinasalamatan din ni Guiabar ang mga magulang, tagapag-alaga, at mga guro ng CDC sa kanilang mahalagang papel sa paghubog sa mga bata. “Habang tayo’y nagpapatuloy, tandaan natin: maaaring maliit pa lamang ang kanilang mga yapak ngayon, pero ito ay simula ng malalaking pangarap,” dagdag niya.
Tampok sa programa ang processional march ng mga batang nagtapos, mga mensahe ng suporta mula sa Local Government Unit (LGU), graduation song, tribute para sa mga magulang, at pamamahagi ng mga sertipiko at karangalan.
Layon ng Moving Up Ceremony na ipakita ang kahalagahan ng maagang edukasyon at ang patuloy na pagsuporta ng MSSD at mga katuwang nito para mabigyan ng dekalidad na aruga at edukasyon ang mga batang Bangsamoro tungo sa mas maliwanag na kinabukasan. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)