Bangsamoro Sports Commission, Nagdaos ng Sports Clinic sa Basilan para sa mga Kabataang Atleta

(Litrato mula sa BIO-BARMM)

COTABATO  CITY (Ika-23 ng Abril, 2025) — Para itaguyod ang sports at mapaunlad ang kakayahan ng mga estudyanteng atleta sa Basilan, nagsagawa ang Bangsamoro Sports Commission (BSC) ng tatlong-araw na Sports Clinic mula ika-13 hanggang ika-15 ng Abril, sa Lamitan National High School.

Tinuruan ang mga kalahok sa apat na larangan ng sports: Badminton, Arnis, Pencak Silat, at Table Tennis. Ibinahagi ni BSC Chairperson Arsalan A. Diamaoden ang layunin ng kanilang ahensya at hinikayat ang mga atleta na samantalahin ang pagkakataong ito para gumaling pa sa napiling isports at makalaban sa mga national at international na kompetisyon.

Binigyang-diin din niya na nagbibigay ang Komisyon ng cash incentives o gantimpalang pera para sa mga atletang kumakatawan sa BARMM sa mga malalaking kompetisyon gaya ng Palarong Pambansa.

“Noong November 2024, ginawaran ng Bangsamoro Sports Commission ng cash incentive si Ruzma Abubakar ng Basilan sa pagkapanalo po niya sa isang international competition,” ani Diamaoden.

Dumalo rin sa nasabing aktibidad si BSC Basilan Commissioner Yushoup A. Sario at hinikayat ang mga kabataan na magsikap at mag pursige sa larangan ng isports. Binanggit niya ang tagumpay ni Abubakar bilang inspirasyon sa mga batang atleta sa buong rehiyon.

Namahagi rin ang BSC ng bagong kagamitan para sa mga kalahok tulad ng badminton rackets at mga gamit para sa arnis, table tennis, at pencak silat. Naroon din ang mga eksperto at tagapagsanay para turuan at gabayan ang mga batang atleta.

Isa sa mga kalahok na si Alyssa Austria, 15 taong gulang, ay nagpasalamat sa pagkakataong makasali sa klinika.

“Very thankful po kami dahil mayroon pong opportunities para sa amin na mas maraming matutunan sa sports na sinalihan namin,” ani Alyssa.

Nagpahayag din ng pasasalamat si Algene P. Braga, Sports Officer ng Lamitan City Schools Division, sa BSC dahil sa pagtulong sa paghasa ng mga atleta sa lungsod.

“Masaya po kami dahil kami ay kino’ coordinate para sa Sports Clinic. Tinawagan po kami ng Bangsamoro Sports Commission para sa apat na events. Nakikita po naming ang excitement ng mga kabataan. Ako po ay nagpapasalamat sa Bangsamoro Sports Commission. Ito po ay isang malaking tulong lalo na sa preparasyon ng mga atleta sa darating na kompetisyon,” ani Braga.

Dagdag pa niya, sinuportahan din ng Komisyon ang mga atletang taga-Lamitan na lumahok sa Palarong Pambansa bilang kinatawan ng BARMM.

Kinatawan ni Mayor Roderick Furigay ang kanyang Executive Secretary na nagpaabot ng buong suporta ng lokal na pamahalaan sa mga student-athletes. Ipinahayag din niya na magkakaroon ng Sports Complex sa Barangay Ubit na magsisilbing sentro ng mga programa para sa sports development sa lungsod.

Naroon din ang BSC Tawi-Tawi Commissioner, na nagpahayag ng suporta at pagpupuri sa aktibong partisipasyon ng mga kabataan at mga katuwang sa lokal na pamahalaan sa pagpapatibay ng sports sa mga komunidad.

Mula nang mabuo ang Bangsamoro Government, nananatiling matatag ang Bangsamoro Sports Commission sa layuning suportahan at palakasin ang mga kabataang atleta sa rehiyon dahil naniniwala silang bawat Bangsamoro athlete ay nararapat magkaroon ng pinakamahusay na pagkakataon para magtagumpay. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post MPOS, UNDP Empower Maguindanao Widows in Peacebuilding Initiative
Next post Benepisyaryo ng Emergency Shelter Assistance sa Malidegao, SGA binisita ng MSSD