
MILF at AFP, Makikipagtulungan para sa Mapayapang Halalan

COTABATO CITY (Ika-16 ng Abril, 2025) — Isinagawa ang isang courtesy at coordination meeting sa pagitan ni Gen. Donald M. Gumiran PA, Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division, at ni MILF-AHJAG Chair Anwar Alamada, kasama rin si BIAF Commander Uztadh Basser Tahir nitong Martes.
Tinalakay sa pagpupulong ang mahahalagang isyu sa seguridad lalo na ngayong papalapit na ang halalan sa May 12, 2025. Titiyakin ng magkabilang panig ang isang mapayapa at walang karahasang eleksyon. Napag-usapan din ang mungkahing koordinasyon sa 601st Brigade upang lalong mapalakas ang seguridad sa mga apektadong lugar.
Ayon pa sa social media post ng Peace, Security and Reconciliation Office (PSRO), ang ganitong klase ng dayalogo ay mahalaga upang mapanatili ang tiwala at koordinasyon sa pagitan ng mga pwersa ng gobyerno at ng MILF, lalo na sa usapin ng kapayapaan at seguridad sa rehiyon.
Dumalo rin sa pagpupulong ang bagong talagang GPH-CCCH chairman na siya ring Assistant Division Commander Brigadier General Nasser Pendatun Lidasan, at si Col. Roberto Huet ng 6th Infantry Division. (Hasna U. Bacol,BMN/BangsamoroToday)