
PENREO Nagtanim ng Puno sa Datu Odin Sinsuat para Labanan ang Climate Change

COTABATO CITY (Ika-16 ng Abril, 2025) — Isinagawa ang isang tree-growing activity sa Barangay Labungan, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte noong ika-12 ng Abril na pinangunahan ng Provincial Environment, Natural Resources and Energy Office (PENREO) bilang bahagi ng kanilang hakbang upang labanan ang epekto ng climate change.
Pinangunahan ang aktibidad ni Community ENRE Officer (CENREO) Faisal U. Akmad, alinsunod sa direktiba ni PENRE Officer Forester Lauban S. Abdul, MPA. Naging katuwang nila sa pagtatanim ang Office of the Vice President (OVP) – BARMM, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Barangay LGU ng Labungan, at ang Philippine Army (PA).
Nagbigay ang CENREO ng 500 punla ng Narra at siya rin ang pumili ng mga lugar kung saan itatanim ang mga ito. Samantala, nag-donate naman ang OVP ng 500 punla ng mga punong namumunga.
Bahagi ang pagtatanim ng punong ito sa Bangsamoro Urban Forest for Ecological Restoration (BUFFER) project ng Ministry of Environment, Natural Resources and Energy (MENRE) ng BARMM. Layunin ng proyektong ito na mapababa ang epekto ng pagbaha, pagguho ng lupa, at iba pang sakuna.
Dumalo rin sa pagtatanim sina OVP-BARMM Satellite Lead Zuhairah A. Abas, OWWA Regional Director Bai Lejanie D. Vidal, Barangay Captain Engr. Murad Campong, at si Sergeant Rommel Miday mula sa Philippine Army. Nakilahok din ang mga empleyado ng PENREO at CENRE Office ng 1st District ng Maguindanao del Norte. (Hasna U. Bacol,BMN/BangsamoroToday)