
MPOS Nagsagawa ng Community-Based Advocacy on Preventing Rido sa Special Geographic Area

COTABATO CITY (ika-11 ng Abril , 2025) – Nagsagawa ang Ministry of Public Order and Safety (MPOS) kasama ang mga partner nito sa pagtataguyod ng kapayapaan mula sa mga barangay, relihiyon, at sektor ng seguridad sa isang 4-araw na Community-Based Advocacy on Preventing Rido na ginanap ito sa apat na barangay kabilang ang Mudseng, Nabalawag, Balong, at Lagundi sa Special Geographic Areasng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, mula Abril 3 hanggang 6, 2025.
Ang kampanya ay nagbigay-diin sa pagpapataas ng kamalayan sa mga ugat ng Rido at sa pagsusulong ng kapayapaan, pagpaparaya, at pagkakaisa bilang mga pundasyon para sa isang mas ligtas at mapayapang komunidad. Ang mga kalahok ay binigyan ng impormasyon hinggil sa mga negatibong epekto ng Rido, hindi lamang sa mga pamilya na sangkot, kundi pati na rin sa buong komunidad.
Isa sa mga pangunahing mensahe ay ang kahalagahan ng pamumuno na nakabatay sa mga halaga ng Islam, gaya ng itinuro ni Ustadz Abdulwahab Kawilan. Aniya, ang pagpili ng mga pinuno na may integridad at ang pagsunod sa mga turo ng Islam ay susi sa paglutas ng mga alitan at pagpapanatili ng kapayapaan.
Samantala, binigyang-diin ni 1LT Folren Bulauan ng 34th Infantry Battalion, Armed Forces of the Philippines, ang papel ng mga pwersa ng seguridad sa pagtiyak ng isang patas at mapayapa na eleksyon. Ipinunto niya ang pangangailangan na protektahan ang mga karapatan ng kababaihan at maiwasan ang anumang karahasan na may kaugnayan sa eleksyon.
Ang tagumpay ng Community-Based Advocacy ay nagpapakita ng kapangyarihan ng pakikiisa at pakikipagtulungan sa pagkamit ng kapayapaan. Ito ay isang inspirasyon hindi lamang para sa BARMM-SGA, kundi para rin sa iba pang mga komunidad na nagsusumikap na wakasan ang karahasan at itaguyod ang kapayapaan.
Ang pagsisikap na ito ay nagpapakita ng pangako ng MPOS at ng mga kasama nito sa pagtatayo ng isang mas mapayapang kinabukasan para sa lahat. (USM OJT Student: Bai Onamayda P. Dilanggalen, BMN/Bangsamoro Today)