
80 Kababaihan sa Basilan, Nagtipon para sa BABAE Summit; Tumanggap ng Oryentasyon hinggil sa BEC at BLGC

COTABATO CITY (Ika-26 ng Marso, 2025) — Nagtipon ang 80 kababaihan sa Lamitan City Sports Complex para sa Building Alliances for Bangsamoro Actions towards Women’s Empowerment (BABAE) Summit 2025 noong ika-25 ng Marso 2025. Sa temang “Empowering Bangsamoro Women Towards Inclusive Governance,” layunin ng kaganapan na itaas ang kamalayan at isulong ang mga karapatan ng kababaihan sa rehiyon ng Bangsamoro.
Ang inisyatibang ito ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng Nonviolent Peaceforce, at sa koordinasyon ng Basilan Coordinating Office, Provincial Local Government Unit (PLGU) ng Basilan, at Local Government Unit (LGU) ng Lamitan City.
Pinangunahan ni Atty. Lizel B. Mones, ang Chief of Staff ng MSSD, ang mga sesyon tungkol sa empowerment ng kababaihan, tinalakay ang papel ng kababaihan sa ilalim ng Magna Carta of Women at mga batas na nagpoprotekta sa kababaihan at mga bata laban sa karahasan (Republic Act 9262). Pinangunahan naman ni Bai Fajar Mokamad, RSW, ang pagpapaliwanag ukol sa BARMM CP-GBV Referral Pathway.
Ang referral pathway ay isang mekanismo na nagsisiguro na ang mga biktima ng Child Protection-Gender-Based Violence (CP-GBV) sa Bangsamoro ay makakatanggap ng tamang serbisyo at suporta.
“Na-enlighten na po ako at mga kasama ko sa mga karapatan naming mga kababaihan. Dahil po sa BABAE Summit, alam na namin ang mga proseso kung sakaling may mangyayaring pang-aapi sa kababaihan sa aming komunidad. Nayon alam na namin ang mga hakbang upang maprotektahan ang aming karapatan,” ani ni Helen A. Manuel, presidente ng women’s association sa Atung-atung, Lantawan.
Binigyan din ng oryentasyon ang mga kalahok tungkol sa Bangsamoro Electoral Code (BEC) at Bangsamoro Local Governance Code (BLGC) na ipinakita ni Atty. Ahmad Al-Amin, Political Affairs Officer VI mula sa opisina ni MP Dan Asnawie. Tinulungan silang maunawaan ang kanilang mga tungkulin sa mga halalan at pamahalaan.
Bukod dito, nagbigay din ng mga welfare goods ang MSSD, kabilang na ang 25 kilong bigas at mga family food packs.
Patuloy ang pagsuporta ng MSSD sa pagpapalakas ng papel ng kababaihan sa rehiyon ng Bangsamoro sa pamamagitan ng mga programa na magpapalawak sa kanilang partisipasyon sa pagpapasya at pag-unlad ng komunidad. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)