
Pagsasanay sa Karapatang Pantao at Amnestiya, Isinagawa para sa MILF Trainers sa Cotabato City

COTABATO CITY (Ika-18 Ng Marso, 2025)—Isinagawa ang Training of Trainers on Community Human Rights and Amnesty Awareness Raising noong ika-15 ng Marso sa Pagana Kutawato Hotel and Restaurant, Cotabato City. Ito ay bahagi ng inisyatiba ng United Nations Development Programme (UNDP) upang suportahan ang programa ng amnestiya para sa mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Ang aktibidad ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng Peace, Security, and Reconciliation Office (PSRO), National Amnesty Commission (NAC), UK Government, at Development Academy of the Bangsamoro (DAB), na nanguna sa pagsasanay.
Layunin ng pagsasanay na bigyan ng tamang kaalaman ang mga piling miyembro ng MILF tungkol sa karapatang pantao at proseso ng amnestiya. Bukod dito, nilalayon nitong bumuo ng grupo ng mga tagapagsanay na tutulong sa mga komunidad upang mas maunawaan at mapadali ang aplikasyon sa amnestiya para sa mga kwalipikadong miyembro ng MILF.
Sa nasabing pagsasanay, nagbigay ng mahalagang impormasyon si Anwar S. Alamada, Chairman ng MILF AHJAG, tungkol sa kasalukuyang kalagayan ng aplikasyon ng amnestiya para sa MILF. Aniya, “reinforcing the commitment to ensuring that former combatants and their families are well-informed and supported throughout the process.” (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)