Konsultasyon para sa Implementing Rules and Regulations ng Bangsamoro Indigenous Peoples Act ng 2024, Isinagawa sa Tawi-Tawi

(Litrato mula sa MIPA-BARMM)

COTABATO CITY (Ika-24 ng Pebrero, 2025) — Matagumpay na isinagawa ng Ministry of Indigenous Peoples’ Affairs (MIPA) ang isang konsultasyong pampubliko kaugnay sa pagsasagawa ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Bangsamoro Indigenous Peoples Act (BIPA) of 2024 noong ika-22 ng Pebrero sa Bihing Tahik Resort, Bongao, Tawi-Tawi.

Dumalo sa nasabing konsultasyon ang mga lider ng mga katutubong pangkat mula sa Sama Dilaut/Badjao, Jama Mapun, Sama Daleeyah, Sama Pangutaran, Sama Bangingi, at Yakan mula sa iba’t ibang munisipalidad ng Tawi-Tawi, Sulu, at Basilan. Nakiisa rin ang mga opisyal mula sa mga organisasyong pang-sibiko (CSOs) at akademya.

Nilalayon ng konsultasyong ito na makakalap ng mahahalagang pananaw, mungkahi, at suhestiyon mula sa mga katutubo, kanilang mga lider, at iba pang stakeholder sa mga Isla ng Bangsamoro. Ang mga ito ay isasama sa pagsagawa ng IRR upang matiyak na magiging epektibo at akma ang pagpapatupad ng batas para sa kapakanan ng mga katutubo.

Ayon kay MIPA Minister Melanio U. Ulama, mahalaga ang kooperasyon at aktibong partisipasyon ng mga katutubo sa pagsasagawa ng IRR. Aniya, ang maayos na pagkakabuo ng IRR ay magbibigay ng malinaw na gabay sa tamang pagpapatupad ng batas, magpapaliit sa hindi pagkakaunawaan, at titiyak na maipapatupad ito nang tama sa iba’t ibang sitwasyon.

Dagdag pa niya, sa pamamagitan ng pagsasama ng mga pananaw at mungkahi ng mga lider ng IPs, mas mapapabuti ang kalidad at bisa ng IRR, na magdudulot ng positibong pagbabago sa buhay ng mga katutubo.

Samantala, dumalo rin si Member of Parliament Eddie Alih upang ipahayag ang kanyang suporta. Ipinaliwanag niya ang ilang mahahalagang probisyon ng BIPA at binigyang-diin na bagama’t mayroon nang batas sa rehiyon na kumikilala at nagpoprotekta sa mga karapatan ng mga katutubo, kailangan pa rin nilang ipaglaban ang kanilang mga karapatan upang ganap na maipatupad ang mga probisyon ng batas. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post BARMM Health Minister Sinolinding, Jr. Tinanggap ang Chief Representative ng JICA Philippines
Next post Chief Minister Ebrahim Nakipagpulong sa United Overseas Bangsamoro