BARMM Chief Minister Ebrahim, Pinangunahan ang 1st E.O. CLOA Distribution para sa Camp Keithley, Lanao del Sur
COTABATO CITY (ika-29 ng Nobyembre, 2024) — Pinangunahan ni Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Chief Minister Ahod “Al Haj Murad” Ebrahim ang kauna-unahang Executive Order (E.O.) Certificate of Land Ownership Award (CLOA) Distribution para sa Camp Keithley, Lanao del Sur na siyang ika-5 mass CLOA distribution sa Bangsamoro region. Ito ay ginanap kahapon, ika- 28 ng Nobyembre sa Shariff Kabunsuan Cultural Complex, BGC, Cotabato City.
Sa kanyang talumpati, ipinahayag ni Chief Minister Ebrahim ang kanyang kasiyahan sa mga nagawang hakbang ng programa sa agrarian reform.
“I am honored to keynote the 5th mass Certificate of Land Ownership Award Distribution for Camp Keithley in Lanao Del Sur to our agrarian reform beneficiaries from Marawi City, Saguiaran, and Piagapo.”
Dagdag pa nito, “Masaya ako sa araw na ito, dahil katuwang ninyo ako sa pangarap na magkaroon kayo ng sariling lupang sasakahin na siyang mapagkukunan ng pang-araw araw na pamumuhay. Noong una, ang mga pangarap na ito ay mahirap makamit, ngunit dahil sa ating pagsisikap at pag pupursige sa pagsusulong ng pangarap at karapatan ng Bangsamoro ay dahan dahan nating tinatamasa ang nararapat para sa inyo.”
Ang pamamahagi ng CLOA ay bahagi ng pangako ng national and regional government, upang ipatupad ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) na alinsunod sa mandato ng EO No. 75. Ang nasabing kaganapan ay hindi lamang nakinabang ang mga residente mula sa Lanao del Sur kundi pati na rin ang mga benepisyaryo mula sa ibang mga probinsya tulad ng Maguindanao, Basilan, Sulu, Tawi-Tawi, at Special Geographic Area.
Ang seremonya ay nagbigay-diin sa patuloy na pagsisikap ng pamahalaang Bangsamoro upang matugunan ang mga isyu sa pag-aari ng lupa at mapabuti ang kalagayang pang-ekonomiya ng mga mamamayan, bilang bahagi ng mas malawak na layunin para sa kaunlarang panlipunan at pang-ekonomiya sa rehiyon. (Sahara A. Saban, BMN/BangsamoroToday)