MSSD Minister Atty. Jajurie tumanggap ng Government Service Award

(Litrato mula sa MSSD-BARMM)

COTABATO CITY (Ika-7 ng Nobyembre, 2024) — Iginawad ng Ateneo de Manila University kay Atty. Raissa H. Jajurie, Minister ng Ministry of Social Services and Development (MSSD) sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), ang prestihiyosong Government Service Award sa Tradisyonal na University Awards ng Ateneo. Ang pagkilala na ibinigay sa seremonya sa Quezon City kahapon ay nagbigay pugay sa kanyang walang sawang pagsusumikap sa pagpapalaganap ng kapayapaan at social justice, at sa kanyang mga inisyatibang nakikinabang ang mga komunidad sa Mindanao.

Si Atty. Jajurie ay isang kilalang alumna ng Ateneo (Batch 1987, Political Science), kung saan binigyan ng parangal para sa kanyang mga makatarungang hakbang upang paglingkuran ang mga marginalized na sektor at sa kanyang papel sa peacebuilding at mga repormang legal sa BARMM bilang abogada at aktibista.

Binigyang-diin ni Atty. Jajurie ang kahalagahan ng pagkakaisa at collective effort upang makamit ang tunay na pagbabago sa rehiyon, “I am truly grateful to those who are responsible for the nomination and those who are behind the decision to include me in the distinguished list of recipients of the Ateneo Traditional University Awards.”

“This recognition is not just mine, but belongs to the many who stand with me in the continuous fight for peace, justice, and the empowerment of the Bangsamoro,” pahayag ni Minister Atty. Jajurie.

Samantala, ayon sa nakalap na impormasyon ng BMN/BangsamoroToday, ang Ateneo Traditional University Awards ay nagbigay din ng parangal sa iba pang mga tagapagtaguyod ng makatarungang serbisyo. Katulad ng Gawad Tanglaw ng Lahi kung saan ipinaabot kina Ricardo G. Abad at Florencio Antonio Quintos II para sa kanilang kontribusyon sa mga disiplina ng sosyolohiya at kulturang Pilipino.

Isang honorary degree naman ang ipinagkaloob kay Leila M. de Lima, bilang pagkilala sa kanyang patuloy na pagtatanggol sa karapatang pantao, habang ang Ozanam Award ay tinanggap ni Fatima Garcia Lorenzo para sa kanyang malasakit sa mga batang may sakit.

Tinanggap naman ni Alberto M. Malvar ang Lux-in-Domino Award para sa kanyang mga proyekto sa pangangalaga ng kalikasan sa Upper Marikina Watershed, at si Flaviano Villanueva, SVD, ay pinarangalan ng Bukas Palad Award para sa kanyang mga inisyatiba sa pagtulong sa mga komunidad.

Ang Government Service Award ay nagsilbing patunay ng Ateneo sa pagpapahalaga sa mga lingkod-bayan tulad nina Senator Risa Hontiveros (2023), Conchita Carpio Morales (2014), at Fortunato T. de la Peña (2019), na mga haligi ng makatarungang serbisyong publiko sa bansa.

Ang mga parangal ay kumikilala sa mga natatanging tagumpay sa mga larangan ng serbisyong publiko, edukasyon, at sining na tumutugon sa layunin ng Ateneo na magtaguyod ng makatarungan at progresibong lipunan.

Ang taunang Traditional University Awards naman ng Ateneo ay patuloy na nagpapakita ng dedikasyon ng unibersidad sa pagtangkilik sa mga indibidwal at organisasyong nag-aambag sa pagbabago at pag-unlad ng bayan sa pamamagitan ng kanilang malasakit at serbisyong publiko. (Sahara A. Saban, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post 25 Bagong Trainees ng Cotabato City Manpower Development Center, Sumailalim sa Training Induction Program ng MBHTE-TESD