IDPs ng Marawi Siege, Nakatanggap ng Emergency Shelter Assistance mula sa BARMM Gov’t.
COTABATO CITY (Ika-5 ng Nobyembre, 2024)— Ipinagkaloob ng Ministry of Social Services and Development (MSSD), katuwang ang BARMM Marawi Rehabilitation Program (BARMM-MRP), ang Emergency Shelter Assistance (ESA) sa mga Pamilyang Apektado ng Marawi Siege. Ginawa ang pamamahagi noong ika-31 ng Oktubre sa TM Complex, Heaven Road, Cabingan MSU, sa Lungsod ng Marawi.
Sa kabuuang 273 na target na benepisyaryo, 255 pamilya ang nakatanggap na ng kanilang ayuda para sa emergency shelter. Ang mga pamilyang lubos na nasira ang bahay ay tumanggap ng PhP30,000, samantalang ang mga may malaking pinsala ay nakatanggap ng PhP20,000, at ang mga may bahagyang napinsala ay PhP15,000.
Sinabi ng MSSD na magpapatuloy ang pamamahagi para sa mga natitirang benepisyaryo ngayong linggo.
Ang ESA program ay naglalayong magbigay ng tulong sa pabahay para sa mga mahihina at bulnerableng sektor, mga komunidad, at mga internally displaced persons (IDPs) sa Bangsamoro region na naapektuhan ng mga sakunang dulot ng tao at kalikasan.
Dumalo sa nasabing aktibidad ang Program Manager ng BARMM-MRP Program Management Office (PMO) at Member of Parliament Said M. Sheik, Deputy Chief Minister Aleem Ali Solaiman, MSSD Legal Division Head Atty. Sittie Rhaodda A. Raniai, MSSD Lanao del Sur A Provincial Social Welfare Officer Yasmira N. Pangadapun, at MSSD Marawi Coordinating Office Head Nahara Noroden. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)