MOST Nag benchmark sa Proyekto ng DOST-MIMAROPA para sa Malinis na Tubig Inumin
COTABATO CITY (Ika-6 ng Nobyembre, 2024) — Ang Ministry of Science and Technology (MOST) ng Bangsamoro Government ay nagsagawa kamakailan ng benchmarking activity sa mga proyekto ng Department of Science and Technology – MIMAROPA (DOST-MIMAROPA) para sa water potability o malinis na tubig inumin. Sinaliksik ng mga miyembro ng MOST ang walong (8) partikular na inisyatiba na pinamamahalaan ng DOST.
Ang mga personnel ng S&T Division ng MOST, kabilang sina Bea Hannah Kashmira Midtimbang (Senior Science Research Specialist), Engr. Norhayla Magandia (Senior SRS), at Bai Samera Gumandel (SRS II), ay bumisita sa mga proyekto ng DOST na may layuning ipatupad ang mga katulad na proyekto sa Bangsamoro upang makatugon sa kakulangan ng tubig at isulong ang sustainable development sa pamamagitan ng teknolohiya sa water potability.
Ang mga proyekto ng DOST-MIMAROPA na kanilang binisita ay kinabibilangan ng Food Dehydrator na gumagamit ng Marinduque Hot Spring, Solar-Powered (Grid-Tied) Water Pump Project, Solar-Powered Mini Ice Plant, Water Pumping and Purification System, Rice-Mongo Curls para sa Malnutrition Mitigation, Adoption of Grid-Tied Solar Energy System para sa Wow Purified Water Refilling Station, Facility Enhancement ng Top Steel Hardware para sa Metal Roofing Production, at Facility Enhancement ng Guevarra Tire Supply General Merchandise at Car Wash Services.
Bahagi ang benchmarking activity na ito na isinagawa mula ika-22 hanggang ika-24 ng Oktubre ng MOST Bangsamoro Empowerment through Science and Technology (BEST) program, na naglalayong maghatid ng mga science at teknolohiyang interbensyon sa mga komunidad ng Bangsamoro.
Nilalayon ng BEST program na makipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan, NGOs, ahensya ng pambansang gobyerno, mga state universities and colleges, at iba pang ministry upang matukoy ang mga suliraning pangkomunidad at magbigay ng mga solusyon mula sa science at teknolohiya para sa pagpapalakas ng mga komunidad.
Ayon sa MOST, layunin ng hakbang na ito na masiguro ang ligtas na tubig at makapagbigay ng oportunidad para sa pag-unlad ng mga komunidad sa rehiyon sa pamamagitan ng paggamit ng makabagong teknolohiya sa pangangalaga sa tubig. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)