Governor Macacua Pinangunahan ang Paglagda ng MOA Kasama ang 12 Bayan ng Maguindanao del Norte
COTABATO CITY (Ika-6 ng Nobyembre, 2024)— Pinangunahan ni Governor Abdulraof “Gob Sam” Macacua ang paglagda sa isang kasunduan (Memorandum of Agreement o MOA) kasama ang mga Chief Executive ng 12 bayan na bahagi ng Maguindanao del Norte, bilang hakbang upang patatagin ang ugnayan at pagtutulungan tungo sa patuloy na pag-unlad ng probinsya.
Sa kanyang talumpati, noong ika-4 ng Nobyembre sa Provincial Satellite Office sa Cotabato City, ipinahayag ni Governor Macacua na layunin ng paglagda ng MOA na mapalawig at mapabuti ang patuloy na paghatid ng pangunahing serbisyo para sa mga mamamayan ng probinsya.
“This is a manifestation of what governance means. We are delivering basic services to our people through projects. Kailangang ang serbisyo natin sa ating mga mamamayan ay tuloy-tuloy sa pamamagitan ng pag implement ng ating mga proyekto,” aniya.
Ayon sa kanya, isang tagumpay para sa pamahalaang panlalawigan at sa 12 bayan ang nasabing kasunduan, at isang patunay sa kanilang matatag na dedikasyon na mapabuti ang panlipunan at pang-ekonomiyang kalagayan ng mga mamamayan. “This is a remarkable feat for our administration and momentous win for our people,” dagdag pa ng gobernador.
Ang MOA ay nagbigay ng pormal na kasunduan sa patas na pamamahagi ng mga pondo at tulong pinansyal sa pagitan ng probinsya at ng 12 bayan, upang masiguro na may sapat na pondo ang bawat LGU para sa kanilang mga proyektong pangkaunlaran. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)