Ayuda, Ibinigay ng ALAB sa mga Apektado ng Pagbaha sa Maguindanao del Norte
COTABATO CITY (Ika-5 ng Nobyembre, 2024)— Nakatanggap ng agarang tulong at ayuda ang mga residenteng naapektuhan ng malakas na pag-ulan sa Bangsamoro region, partikular sa Barangay Darapanan, bayan ng Sultan Kudarat nitong Lunes, ika-4 ng Nobyembre .
Ang pamamahagi ng ayuda ay bahagi ng Alay sa Bangsamoro (ALAB) Program na inilunsad ng opisina ni Chief Minister Ahod “Al Haj Murad” Ebrahim sa ilalim ng Project TABANG.
Pinangunahan ni Hadji Harris M. Ismael, ang Media Productions and Communications Head ng Project TABANG, ang distribusyon ng mga pangunahing pangangailangan kasama ang field team ng Project Management Office (PMO).
Layunin ng ALAB program na magbigay ng suporta sa mga residente at komunidad na apektado ng kalamidad, karahasan, at kakulangan sa pang-araw-araw na pangangailangan.
Isa lamang ang ALAB program sa mga inisyatibo ng PMO sa ilalim ng Humanitarian Response and Services sub-program. (Hasna U. Bacol,BMN/BangsamoroToday)