MSSD Tamparan, Nagbigay ng Honorarium sa 19 Child Development Workers sa Lanao del Sur
COTABATO CITY (Ika-2 ng Nobyembre, 2024) — Namahagi ang Municipal Social Welfare Office ng Ministry of Social Services and Development (MSSD) Tamparan ng honorarium sa 19 na Child Development Workers (CDWs) sa bayan ng Tamparan, Lanao del Sur noong ika-24 ng Oktubre.
Bawat CDW ay tumanggap ng PhP12,000 na honorarium, na nagkakahalaga ng PhP 4,000 kada buwan para sa ikatlong kwarter ng 2024. Ang buwanang honorarium na ito ay bahagi ng Early Childhood Care and Development (ECCD) Program ng MSSD sa ilalim ng Children and Youth Welfare Program (CYWP).
Ayon pa sa MSSD, layunin ng programang ito na kilalanin ang sakripisyo at dedikasyon ng mga daycare workers sa pagbibigay ng mahalagang edukasyon at pangangalaga sa mga batang mag-aaral sa Bangsamoro Region.
Ilan lamang ito, dagdag g MSSD sa mga suporta nila sa mamamayang Bangsamoro bilang pagpapatunay na ang MSSD ay may malasakit sa mga manggagawa ng daycare at ang kanilang pagsusumikap na maitaguyod ang maayos na pag-unlad ng kabataan sa rehiyon. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)