MSSD, Nanguna sa Pagsasanay para Palakasin ang Laban Kontra Human Trafficking, Karahasan sa Kababaihan at Bata sa Cotabato City
COTABATO CITY (Ika-30 ng Oktubre, 2024) — Pinangunahan ng Ministry of Social Services and Development (MSSD) ang dalawang araw na training-workshop upang palakasin ang kakayahan ng mga Local Committees on Anti-Trafficking and Violence Against Women and Their Children (LCAT-VAWC) na isinagawa sa Bogs Kitchen and Function Hall sa Cotabato City noong ika-24 hanggang ika-25 ng Oktubre.
Ayon pa sa MSSD, layunin ng pagsasanay na bigyan ng sapat na kaalaman at kasanayan ang mga lokal na komite sa Cotabato City upang mas epektibong maipatupad at masubaybayan ang mga programa laban sa human trafficking at karahasan sa kababaihan at bata.
Sa unang araw ng training, binigyang-panimula ni MSSD Chief of Staff Atty. Liza B. Mones ang mga partisipante sa mga pangunahing konsepto ng kasarian at Gender and Development (GAD), binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagkilala at pagbabawas ng mga gender bias, partikular sa pagbuo ng mga polisiya at pamamahalang lokal. Sinundan ito ng sesyon ni Jan Michelle D. Agata, Focal Person ng MSSD para sa Recovery and Reintegration Program for Trafficked Persons (RRPTP), kung saan tinalakay niya ang kasalukuyang kalagayan ng human trafficking sa BARMM.
Nagbigay din si Faida M. Ensanah, Focal Person ng Women’s Welfare Program ng MSSD, ng mga kaalaman ukol sa paglaganap at mga uri ng karahasan laban sa kababaihan at mga bata sa rehiyong Bangsamoro.
Sa isa pang mahalagang sesyon, tinalakay ni Atty. Jamairah A. Nagamora mula sa Integrated Bar of the Philippines – Lanao del Sur Chapter ang mga pangunahing batas na mahalaga sa gawain ng mga kalahok, kabilang ang Anti-VAWC Act (RA 9262), Magna Carta of Women, Safe Spaces Act (RA 11313), at mga pinakabagong pagbabago sa Anti-Trafficking Law (RA 11862). Ipinakita niya kung paano maisasakatuparan ang mga batas na ito sa papel ng mga miyembro ng LCAT-VAWC
Nakibahagi ang mga kalahok sa mga interactive workshop kung saan binuo nila ang mga tiyak na tungkulin ng bawat sektor sa LCAT-VAWC at bumuo ng lokal na action plan. Sa bahaging ito, nakatulong ang pagpapalitan ng kaalaman at pagbuo ng mga estratehiya upang mas mabisa nilang matugunan ang mga isyu ng karahasan at trafficking sa kanilang mga nasasakupan. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)