484 Pamilya na Apektado ng Baha sa Buluan, Maguindanao del Sur, Tumanggap ng Tulong
COTABATO CITY (Ika-24 ng Oktubre, 2024) — Umabot sa 484 pamilya na nasalanta ng baha mula sa bayan ng Buluan, Maguindanao del Sur, ang nakatanggap ng tulong mula sa Ministry of Social Services and Development (MSSD) katuwang ang tanggapan ni Member of Parliament Said Z. Salendab na isinagawa sa Poblacion, Buluan noong ika-21 hanggang ika-22 ng Oktubre.
Ang bawat pamilya ay nabigyan ng 25 kilong bigas, iba’t ibang de-latang pagkain, at instant coffee upang agad matugunan ang kanilang pangangailangan.
Ang relief effort na ito ay bahagi ng Emergency Assistance Program ng MSSD sa ilalim ng Disaster Response Management Division. Layunin ng programang ito na magbigay ng agarang tulong sa mga indibidwal at komunidad na apektado ng mga kalamidad.
Samantala , ipinamahagi rin ng MSSD Buadiposo Buntong Municipal Social Welfare Office ang honorarium sa 27 Child Development Workers (CDWs) at Supervised Neighborhood Play (SNP) workers sa nasabing bayan. Ang bawat CDW ay tumanggap ng PhP12,000, na kumakatawan sa kanilang PhP4,000 na buwanang honorarium para sa ikatlong quarter ng 2024.
Ang buwanang honorarium na ito ay bahagi ng Early Childhood Care and Development (ECCD) Program ng MSSD na ipinatutupad sa pamamagitan ng Children and Youth Welfare Program (CYWP). Layunin ng programa na suportahan ang mga daycare workers at tiyakin na sila ay nabibigyan ng tamang kompensasyon para sa kanilang pagsisikap at kontribusyon sa maagang pag-unlad ng mga kabataang mag-aaral sa Bangsamoro Region. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)