1,500 Mag-aaral Tumanggap ng School Kits mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Maguindanao del Norte
COTABATO CITY (Ika-21 ng Oktubre, 2024) — 1,500 na mga mag-aaral mula sa mga bayan ng Datu Blah Sinsuat, Datu Odin Sinsuat, at Upi ang nakatanggap ng school kits mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Maguindanao del Norte noong ika-18 ng Oktubre.
Ang inisyatibang ito ay bahagi ng patuloy na pagtugon ng pamahalaang panlalawigan sa mga pangangailangang pang-edukasyon ng mga estudyante sa nasabing probinsya. Ang mga kit ay naglalaman ng mga gamit sa pag-aaral, hygiene kits, at pagkain.
Ayon pa sa Information Office ng lalawigan, ang pamamahagi ng mga school kits ay pinangunahan ng Gender and Development Office sa ilalim ng pamumuno ni Executive Assistant I na si Munaim Gendeng, katuwang ang mga kawani ng Maguindanao del Norte at mga lokal na opisyal.
Layunin ng proyektong ito na masiguro na may sapat na kagamitan ang mga mag-aaral upang magpatuloy sa kanilang pag-aaral at mapanatili ang kalinisan sa kanilang sarili. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)