Kaalalai sa Edukasyon Program Iskolars, Nakatanggap ng Allowance
COTABATO CITY (Ika-7 ng Oktubre, 2024) — Matagumpay na isinagawa ang oryentasyon at pamimigay ng allowance para sa mga iskolar ng “Kaalalai sa Edukasyon Program” o KEP sa D&M Resto, Cotabato City noong ika-4 ng Oktubre na pinangunahan ng Office of the Floor Leader (OFL), bilang suporta sa mga estudyanteng karapat-dapat batay sa kanilang akademikong husay, pangangailangang pinansyal, at potensyal.
Sinimulan ang programa sa pamamagitan ng pagpaparehistro ng mga iskolar at malugod na tinanggap ni Atty. Mehrab U. Bahri, Chief of Staff, ang mga iskolar, na binigyang-diin ang mga natatanging kuwento at mga kapanapanabik na interview na naging basehan ng komite sa pagpili ng mga iskolar mula sa daan-daang aplikante.
Ayon kay Atty. Bahri, ang mga kuwentong ito ay sumasalamin hindi lamang sa husay ng mga iskolar sa akademya kundi pati na rin sa kanilang malalim na ugnayan sa komunidad at kakayahan sa pamumuno.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Atty. Sha Elijah B. Dumama-Alba, BTA Floor Leader at MILG Minister, na ang Kaalalai sa Edukasyon Program ay idinisenyo upang maging huwaran ng isang merit-based scholarship program.
Ayon sa kanya, ang programang ito ay naglalayong magsanay ng mga lider na magiging mahalagang bahagi ng pag-unlad ng kanilang mga komunidad at ng buong Bangsamoro. Hinikayat niya ang mga iskolar na gamitin ang pagkakataon upang makapag-ambag sa paglago at progreso ng rehiyon. Ipinahayag din niya ang kanyang hangarin na masuportahan ang mas maraming iskolar sa hinaharap.
Ayon kay Bai Mohara M. Amilhasan, Executive Assistant III, ang nagbigay ng oryentasyon ukol sa KEP, sinundan ng paglagda ng mga iskolar sa Kaalalai Oath of Commitment. Matapos ito, personal na iniabot ni Atty. Lai ang mga allowance sa mga iskolar, na labis ang pasasalamat para sa suporta, hindi lamang pinansyal kundi moral din na kanilang natanggap.
Samantala, isang espesyal na sesyon ukol sa edukasyon sa pagboto, pinamagatang “Kaalalai Voters Education: An Orientation on Electoral Code and Parliamentary Procedure,” ang isinagawa nina Atty. Ridzkan Sariul at Atty. Amira Allyssa Abdulcalim. Layunin ng sesyon na bigyan ng sapat na kaalaman ang mga iskolar sa proseso ng halalan at mga pamamaraan sa parlamento, upang maging mga aktibo at maalam na mamamayan. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)