UBJP, Iprinoklama ang mga Lokal na Kandidato sa SGA para sa 2025 Elections
COTABATO CITY (Ika-4 ng Oktubre, 2024) — Pormal nang iprinoklama noong Huwebes ang mga lokal na kandidato ng United Bangsamoro Justice Party (UBJP) para sa mga munisipalidad sa Special Geographic Area (SGA) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Ang mga lugar na kabilang sa proklamasyon ay ang Pahamuddin, Kadayangan, Nabalawag, Old Kaabakan, Kapalawan, Malidegao, Ligawasan, at Tugunan.
Pinangunahan ni UBJP Party President Ahod “Alhaj Murad” Ebrahim ang proklamasyon kasama ang mga matataas na opisyal ng partido tulad nina Party Vice President Mohagher Iqbal, Vice President for Women Engr. Aida Silongan, at Provincial Chief Executive Officer ng SGA, Mohammad Kellie Antao.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Party President Ebrahim ang kahalagahan ng moral governance at ang pagsasagawa ng pamumuno na nakasentro sa kapakanan ng buong komunidad. Ayon sa kanya, ang mga pulitiko ay dapat pumasok sa serbisyo publiko na may malinaw at dalisay na intensyon na maglingkod para sa kabutihan ng kanilang mga nasasakupan.
Ang UBJP, na nagsisilbing political wing ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at BARMM regional parliamentary political party, ay aktibong makikilahok sa darating na 2025 elections. Ang partido ay isinusulong ang pananagutan, katapatan, at tunay na paglilingkod sa bayan. Layunin nito ang inklusibong pamamahala na nagbibigay ng boses sa lahat ng sektor ng lipunan, kabilang ang kabataan, kababaihan, tradisyonal na liderato, mga non-Moro indigenous peoples, at mga settlers.
Sa mga naiproklamang kandidato, ipinaabot ng UBJP ang kanilang buong suporta upang masiguro na ang kanilang mga plataporma ay naaayon sa mga prinsipyo ng katarungan, kapayapaan, at kaunlaran. Umaasa ang partido na ang kanilang mga kandidato ay magiging instrumento ng positibong pagbabago sa kanilang mga komunidad sa SGA.
Ang proklamasyon ay isang mahalagang hakbang tungo sa mas inklusibong pamamahala at mas maunlad na kinabukasan para sa mga komunidad sa Special Geographic Area ng BARMM. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)