MIPA, Nagsagawa ng Outreach Program para sa Paghahanda sa Sakuna ng mga IPs sa Parang, Maguindanao del Norte

(Litrato mula sa MIPA-BARMM)

COTABATO CITY (Ika-16 ng Setyembre,2024) — Matagumpay na isinagawa ng Ministry of Indigenous Peoples Affairs (MIPA), sa pangunguna ni Timuay Melanio U. Ulama, ang isang Community Outreach Program at Information Education Campaign (IEC) para sa mga Lider-Tribo sa Barangay Magsaysay, Parang, Maguindanao Del Norte noong ika-6 ng Setyembre. Ang programang ito ay may layuning palakasin ang kamalayan ng mga IPs ukol sa paghahanda at katatagan sa panahon ng sakuna.

Ang aktibidad ay isinagawa sa pakikipagtulungan sa Tanggapan ng Punong Bayan, Hon. Cahar P. Ibay, Barangay Chairman ng Magsaysay, Hon. Alonto Yu Dicay, at mga Lider-Tribo ng lugar. Mahigit sa 150 indibidwal mula sa komunidad ng mga katutubo ang lumahok, kabilang ang 50 lider mula sa iba’t ibang barangay ng Parang, 50 kababaihang IPs, at higit 50 mga batang IPs.

Ipinaliwanag naman ni Caroline Love T. Magbanua, Head ng Cultural Affairs Section ng MIPA, ang layunin ng aktibidad kabilang dito ang kahalagahan ng pakikilahok ng komunidad sa mga plano at inisyatiba ng barangay hinggil sa paghahanda at pamamahala sa sakuna, lalo na’t ang Barangay Magsaysay ay isa sa mga apektadong lugar ng kamakailang pagbaha, kung saan karamihan ng mga naapektuhan ay mga IPs.

Nagbigay rin ng mensahe si Fintailan Judith Gunsi-Tinio, Ph.D., Bangsamoro Director General, kung saan binigyang-diin niya ang pagmamahal at suporta sa mga katutubo. Hinihikayat din niya ang mga katutubo na kumuha ng mahahalagang dokumento tulad ng Certificate of Tribal Membership (CTM).

Si Director Michael M. Garrigues, Ph.D., ng Bureau of Ancestral Domain, ay nagbahagi ng mahahalagang impormasyon ukol sa mga karapatan ng mga katutubo at ang proseso ng Free, Prior, and Informed Consent (FPIC).

Bukod sa mga mensaheng ipinaabot ng mga lider, namahagi rin ang MIPA ng relief goods sa mahigit 100 pamilyang IPs na kabilang sa mga naapektuhan ng pagbaha. Ang mga ipinamahaging ayuda ay kinabibilangan ng 10 kilong bigas, mga grocery item, hygiene kits, at mga tsinelas para sa mga bata.

Ayon kay Caroline Love T. Magbanua, ang aktibidad ay hindi lamang nagbibigay ng mahalagang kaalaman at tulong sa komunidad kundi patunay din ng pangako ng gobyerno na suportahan at paunlarin ang mga Indigenous Cultural Communities (ICCs) lalo na sa panahon ng sakuna. Ang programa ay naging matagumpay sa tulong ng mga Lider-Tribo at ng Barangay Council. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post UBJP Patuloy ang Pagpapalakas bilang Paghahanda sa BARMM 2025 Parliamentary Elections
Next post Bangsamoro Darul-Ifta’ Announces the Appointment of New Executive Director