766 benepisyaryo mula Marantao, Lanao del Sur, nakatanggap ng ayudang pinansyal mula sa MSSD
COTABATO CITY ( Ika-20 ng Setyembre, 2024) — Isinagawa ang isang payout event kung saan 766 indigent na indibidwal ang nakatanggap ng tulong pinansyal mula sa Ministry of Social Services and Development (MSSD) sa ilalim ng iba’t ibang programang panlipunang proteksyon na isinagawa sa Municipal gymnasium ng Marantao, Lanao del Sur noong ika-11 ng Setyembre.
Sa ilalim ng Kalinga para sa may Kapansanan program, 474 benepisyaryo ang nakatanggap ng PhP3,000 bawat isa, na sumasaklaw sa kanilang buwanang subsidy na PhP500 para sa unang kalahati ng taon.
Samantala, 110 kabataang mag-aaral ang tumanggap ng tulong edukasyonal sa ilalim ng programang Angat Bangsamoro: Kabataan Tungo sa Karunungan (ABaKa). Kabilang dito ang 35 estudyanteng nasa elementarya na tumanggap ng PhP2,000 bawat isa, 35 estudyanteng nasa high school na nakatanggap ng PhP3,000 bawat isa, 20 estudyanteng kolehiyo na naka-case manage na tumanggap ng PhP10,000 bawat isa, at 20 pang estudyanteng kolehiyo na nakatanggap ng one-time cash assistance na PHP 10,000 bawat isa.
Para sa Multi-Purpose Cash Assistance (MPCA) 96 magsasaka na naapektuhan ng tagtuyot ang nakatanggap ng PhP5,800 bawat isa bilang bahagi ng recovery intervention ng MSSD’s Disaster Response and Management Division. Ang mga benepisyaryo ay pinili base sa field reports ng Ministry of Agriculture, Fisheries, and Agrarian Reform (MAFAR) unit office sa Marantao at sinang-ayunan ng tanggapan ng municipal mayor.
Kasabay nito, 48 solong magulang ang nakatanggap ng PhP6,000 bawat isa sa ilalim ng Dakila Program, na sumasaklaw sa kanilang buwanang tulong pinansyal na PhP1,000 para sa unang semestre ng 2024.
Bukod pa dito, 24 na Child Development Workers (CDWs) ang nakatanggap ng stipend na PhP12,000 bawat isa para sa ikalawang quarter ng 2024.
Sa ilalim naman ng Kupkop Program, 14 na ulilang bata na nasa case management ang tumanggap ng PhP15,000 bawat isa bilang kanilang subsidy para sa ikalawang quarter ng taon, upang masuportahan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)