300 Pamilya sa Matanog, Tumanggap ng Shelter Kits mula sa MHSD at CRS

Maguindanao del Norte Governor Abdulraof “Gob Sam” A. Macacua, personal na binisita at nakiramay sa mga apektadong pamilya ng baha sa Matanog, Maguindanao del Norte pagkatapos ng matinding pagbaha sa bayan noon Hulyo, 2024. (Litrato mula sa Province of Maguindanao del Norte)

COTABATO CITY (Ika-7 ng Setyembre, 20204) — Tatlong daang (300) pamilya mula sa Matanog, Maguindanao del Norte na nawalan ng tahanan dahil sa pagbaha dulot ng bagyong Carina noong Hulyo, ang masayang tumanggap ng shelter kits mula sa Ministry of Human Settlements and Development (MHSD) ng BARMM at Catholic Relief Services (CRS) noong ika-4 hanggang ika-5 ng Setyembre.

Ang mga shelter kits ay kinabibilangan ng matibay na trapal, martilyo, pako, tali, steel tape, at iba pang kagamitan para sa pansamantalang tirahan. Kasama rin sa mga ipinamahagi ay mga non-food items gaya ng kumot, banig, at kagamitan sa pagluluto. Ang bawat grupo ng limang pamilya ay tumanggap ng mga gamit pangkumpuni ng bahay tulad ng pala, lagari, at iba pa.

“Simula nang nangyari ang pagbaha, di niyo pa rin kami iniiwan. Alam natin na mula sa karahasan ng maraming taon noon, sinubok na naman kami ng sakuna dulot ng natural calamity; damang dama namin ang inyong malasakit sa Matanog,” pasasalamat ni Mayor Zhoria Bansil-Guro.

Ayon kay Director Salem C. Demuna ng MHSD, ang kanilang misyon ay patuloy na tulungan ang mga apektadong pamilya at ipinayo niya sa mga benepisyaryo ang magpasalamat para sa mga natanggap na biyaya. Dagdag naman ni Valerino Villarta, Program Officer ng CRS, ang pamamahagi ng shelter kits ay may layuning matulungan ang mga pamilyang muling makabangon mula sa trahedya.

Si Abdulrahman Bitol, isa sa mga benepisyaryo na nawalan ng tatlong anak sa pagbaha, ay nagpahayag ng kanyang hinaing sa kasalukuyang sitwasyon ng kanilang pamilya sa evacuation center. Bilang tugon, sinabi ni Provincial Director Noroden S. Abdullah na bahagi ng plano ng MHSD ang pagpapatayo ng mga permanenteng bahay para sa mga apektadong pamilya.

Matapos ang pamamahagi sa Matanog, ipagpapatuloy ang proyekto sa iba pang lugar tulad ng Datu Piang at mga bayan sa Lanao del Sur, na may layuning makapamahagi ng kabuuang 1,300 shelter kits.(Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)  

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post BARMM Lipaladu din kanu 2025 Automated Elections – COMELEC
Next post MSSD, 4Ps National Advisory Council, Nagsagawa ng Field Visit sa Tawi-Tawi para Palakasin ang Implementasyon ng Programa sa BARMM