MOST-ASTD Nagsagawa ng Benchmarking sa mga Key Institutions ng DOST
COTABATO CITY (Ika-6 ng Agosto,2024) — Isinagawa ng Advanced Science & Technology Division (ASTD) ng Ministry of Science and Technology (MOST) ang isang serye ng benchmarking activities at teknikal na pagpupulong sa ilang pangunahing institusyon sa bansa kabilang ang Batangas State University (BATSTATEU), DOST IV-A, PAGASA, PHIVOLCS, at DOST-ASTI upang makakuha ng kaalaman na magagamit sa pagpapabuti ng mga serbisyo ng ministeryo kaugnay ng disaster risk reduction and management (DRRM).
Nagsimula ang benchmarking nitong ika-19 hanggang ika-22 ng Agosto. Unang pinuntahan ng Advanced Science & Technology Division ang BATSTATEU, na naglalaman ng Response Command Center para sa Disaster Risk Reduction and Management ng Rehiyon IV-A. Sumailalim ang grupo sa isang komprehensibong tour sa pasilidad, kung saan ipinakita ang mga advanced na teknolohiyang ginagamit sa kanilang operasyon. Ipinakita rin ng unibersidad ang kanilang master’s program sa Disaster Risk Management (DRM), na nagbibigay ng espesyal na pagsasanay at kaalaman.
Sa sumunod na araw, nagtungo ang grupo sa opisina ng DOST IV-A, kung saan ipinakita sa kanila ang mga platform at teknolohiyang ginagamit para sa pagmamanman ng hydrometeorological data. Binigyang-diin sa talakayan ang iba’t ibang ICT tools na ginagamit para dito.
Sa ikatlong araw, bumisita ang grupo sa PAGASA at PHIVOLCS. Sa PAGASA, tinalakay ang mga hamon sa pagpapatakbo ng mga early warning stations at humingi ng teknikal na tulong upang malutas ang mga isyung ito. Sa PHIVOLCS naman, tinalakay ang mga kahirapan sa pagpapanatili ng mga tsunami alert stations at humingi ng gabay mula sa mga eksperto.
Ang huling destinasyon ay ang DOST-ASTI, kung saan ipinakilala sa grupo ang iba’t ibang teknolohiya na maaaring gamitin upang mapabuti ang kahandaan sa mga sakuna sa rehiyon. Nagbigay ang DOST-ASTI ng mga pananaw kung paano maaaring maisama ang mga tools na ito sa kasalukuyang mga estratehiya sa disaster management.
Ayon sa MOST ang serye ng mga pagbisita at teknikal na pagpupulong na ito ay nagbigay sa mga tauhan ng Ministry of Science and Technology ng mahalagang kaalaman at praktikal na insights tungkol sa disaster risk reduction and management. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)