Project TABANG Convergence sa Lanao del Norte kasama ang MHSD
COTABATO CITY (Ika-1 ng Setyembre, 2024) — Namahagi ang Ministry of Human Settlements and Development (MHSD) ng 50 sako ng bigas na may bigat na tig-10 kilo at bottled water sa mga senior citizen sa isang Project TABANG Convergence na ginanap sa Camp Bilal, Barangay Tamparan, Munai, Lanao del Norte noong Ika-17 ng Agosto.
Sa ilalim ng temang “Bringing the Bangsamoro Government closer to the People,” binigyang-diin ni Benjamin D. Alangca, Provincial Director ng MHSD-Lanao del Sur, na ang mga benepisyaryo ng programa ay mga matatandang may edad na 60 pataas. Karamihan sa kanila ay mga Azatids, mga mangangaral ng Islam, mula sa sektor ng relihiyon at Imam o preacher.
Ayon kay Ansary A. Noor, Supervising Administrative Officer ng (SAO), ang mga benepisyaryo ay nagmula sa iba’t ibang lugar ng Lanao del Norte, kabilang ang Munai, Tangcal, Tubud, Sapad, Brgy Payong, Sultan Naga Dimaporo, Salvador, Piagapo, Kauswagan, Poona Piagapo, Nunungan, Dilabayan, Iligan City, at West Bacolod.
Personal na lumahok sa pamamahagi ng tulong sina PD Alangca, SAO Noor, Chief of Staff Ajeeb Dhiauddin D. Barra, Provincial Engineer Salic C. Pao, at iba pang kawani ng MHSD-Lanao del Sur. Ang aktibidad ay isinagawa sa lokasyon kung saan matatagpuan ang isa sa mga itinayong one-storey multipurpose training center ng MHSD, na pinondohan sa ilalim ng Transitional Development Impact Fund (TDIF) 2022 ni MP Abdullah “Commander Bravo” G. Macapaar, miyembro ng Parliament. Ang nasabing training center ay nakatakdang i-turn over sa lalong madaling panahon.
Pinangunahan ni Chief Minister Ahod “Alhaj Murad” B. Ebrahim ang Project TABANG Convergence, isa sa mga pangunahing programa ng Office of the Chief Minister, na naglalayong bigyan ang mga nasasakupan ng Bangsamoro ng agarang serbisyo. Ang programang ito ay katuparan ng pangako ng gobyerno na tulungan ang mga komunidad ng Bangsamoro at paglingkuran ang kanilang pangangailangan.
Sa ilalim ng Bangsamoro Organic Act, inatasan ang Bangsamoro Government na magbigay ng tulong sa mga Bangsamoro communities na nasa labas ng pangunahing teritoryo ng rehiyon upang isulong ang kanilang pang-kultura, panlipunan, at pang-ekonomiyang pag-unlad.
Bukod sa training center sa Camp Bilal, nakapagpatayo na rin ang MHSD ng limang training centers at 50 resettlement housing units sa Lanao del Norte. Sa munisipalidad ng Baloi, mayroong apat na training centers, dalawa rito ay dalawang palapag na gusali para sa human development na na-turn over na. Ang iba pang centers ay matatagpuan sa West Poblacion at Brgy. Pacalundo.
Sa West Poblacion, itinatayo rin ang isang one-storey human development training center na pinondohan sa ilalim ng TDIF 2022 ni MP Macapaar, habang sa Brgy. East Poblacion ay itinatayo ang isang dalawang palapag na gusali na pinondohan sa ilalim ng TDIF 2023 ni MP Amroussi A. Macatanong.
Samantala, sa Brgy. Punod, Tangcal, kasalukuyang ginagawa ang 50 housing units na pinondohan sa ilalim ng Special Development Fund (SDF) 2020. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)