Ceremonial Turnover ng Amnesty Application Forms ng MILF Front Commanders, Isang Mahalaga at Makasaysayang Hakbang Tungo sa Kapayapaan sa Bansa

(Litrato mula sa Facebook page ni MP Atty. Mary Ann M. Arnado)

COTABATO CITY (Ika-4 ng Setyembre, 2024) — Isinagawa ng mga dating kumander ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) kasama ang mga nagsisilbing kasapi ng Bangsamoro Parliament ang kanilang pormal na pagsumite ng amnesty application sa National Amnesty Commission (NAC) sa pamumuno ni Chairman Atty. Leah Tanodra-Armamento at Commissioner Jamar Kulayan na dinaluhan ng mga kilalang personalidad ng gobyerno na isinagawa nitong Agosto.

Ilan sa mga kilalang miyembro ng Bangsamoro Parliament na nagbigay suporta sa okasyon ay sina MP Engr. Aida M. Silongan, MP Baileng S. Mantawil, MP Atty. Mary Ann M. Arnado, at MP Basit “Jannati Mimbantas” Abbas.

Kabilang sa mga dumalo sina Government Peace Panel Chair Gen. Cesar Yano, BARMM Senior Minister Abunawas Maslamama, Deputy Chief Minister Ali B. Solaiman, at Director ng PSRO Anwar Alamada. Naroon din ang mga kinatawan mula sa Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity, si BGen. Cesar B. Yano (Ret.), na siyang Chair ng GPH Implementing Panel para sa GPH-MILF Peace Accord, at Wendell P. Orbeso, pinuno ng CAB Implementation Department ng OPAPP. Kasama rin sa mga dumalo si Ariel Hernandez, co-chair ng Joint Normalization Committee (JNC).

Binigyang-diin ni Minister Iqbal ang importansya ng pagtitipon, na tinawag niyang isang “mini-reunion” ng mga beteranong tagapagtanggol ng kapayapaan na dati nang nagkatagpo sa negotiating table.

Sa kanyang talumpati, binigyang-pansin ni Atty. Armamento ang mahalagang papel ng amnesty program. Ayon sa kanya, ito ang tanging daan upang malinis ng mga dating rebelde ang kanilang mga pangalan mula sa mga kasong bunga ng kanilang dating mga pampulitikang ideolohiya. Ipinahayag din niya ang kanyang pag-asa na agad maiproseso at maaprubahan ang mga aplikasyon, bilang tugon sa malakas na hangarin ng mga aplikante na maging mabilis ang pag-apruba ng kanilang mga aplikasyon. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post Internal Audit Office, Pinangunahan ang COA Entrance Conference para sa OCM Audit ng BARMM CY 2024
Next post MP Antao, Namigay ng Ayuda sa Pagtitipon ng Kababaihang Bangsamoro ng SWC-Ligawasan Province