BARMM MOH Minister Dr. Sinolinding Jr., inihayag ang nagawang programa sa Unang 100 Araw na Panunungkulan
DAVAO CITY (Ika-20 ng Agosto, 2024) — Ipinagdiriwang ng Ministry of Health (MOH) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang unang 100 araw ng panunungkulang ni Minister Dr. Kadil M. Sinolinding Jr., sa isang press briefing na ginanap kahapon ng gabi, ika-19 ng Agosto sa Acacia Hotel, Davao City. Tinatalakay nito ang mga pangunahing hakbang at reporma na isinagawa sa loob ng mahigit tatlong buwan upang mapabuti ang serbisyo at operasyon ng tanggapan.
Pinangunahan ni Health Minister Dr. Sinolinding Jr. ang isang malawak na restructuring sa internal na operasyon ng MOH upang mapabuti ang serbisyo ng ahensya. Sa kanyang ulat, inihayag nito ang pagbabago sa organizational structure at pinabilis ang komunikasyon sa pagitan ng tanggapan at publiko. Kasama sa mga inisyatibo ang pagpapatibay ng internal policies at ang pagpapabilis ng proseso sa pagresponde sa mga pangangailangan ng publiko at iba pang stakeholders.
Upang matugunan ang kakulangan sa health professionals sa BARMM, nag-recruit ang Ministry ng 2,659 health workers, kabilang ang mga doktor, nurse, at pharmacist, na idineploy sa mga ospital at health centers sa rehiyon. Kabilang dito ang 864 health workers sa ilalim ng Bangsamoro Placement Program at 1,795 sa ilalim ng national health workforce support system.
Ibinida rin ni Dr. Sinolinding Jr. ang Bangsamoro Medical Scholarship Program na nagbigay ng suporta sa kwalipikadong mabigyan ng nasabing programa, at bilang bahagi ng normalization efforts, binigyan ng training ang 2,600 Moro National Liberation Front (MNLF) at Moro Islamic Liberation Front (MILF) combatants upang maging ganap na Barangay Health Workers na tumanggap ng buwanang insentibo at mga kagamitan. Naging aktibo rin ang Bangsamoro Nutrition Council upang mas mapalakas ang nutrisyon sa komunidad ng Bangsamoro.
Kabilang din sa laman ng ulat ni Dr. Sinolinding Jr. ang medikal na tulong at imprastruktura na nagpabilis sa serbisyo ng MOH sa pamamagitan ng pondo mula sa Transitional Development Impact Fund (TDIF) at Special Development Fund (SDF), na nagresulta sa malaking pagtaas ng medical assistance sa rehiyon. Ang kabuuang hospital assistance ay umabot sa PhP70,584,218 para sa 16,030 indibidwal. Nagkaroon din ng pag-turnover ng ambulances, mobile clinic, at sea ambulances sa mga liblib na lugar ng rehiyon at binuksan ang walk-in cold room noong ika-6 ng Agosto, 2024.
Pinalakas din ng Ministry ang pakikipagtulungan sa mga internasyonal na organisasyon tulad ng International Organization for Migration-Korea International Cooperation Agency (IOM-KOICA), World Health Organization (WHO), United Nations International Children’s Emergency Fund (UNICEF), United Nations Population Fund (UNFPA), at Japan International Cooperation Agency (JICA). Kabilang sa mga proyekto ang pagpapalakas ng health systems, pagpapabuti ng laboratory facilities, at pagsuporta sa gender equality at maternal health, dagdag pa ng MOH.
Maliban dito ay ang transparency at accountability sa pamamagitan ng ‘one-message, one-voice’ policy at aktibong pakikipagtulungan sa media upang ipahayag ang kanilang mga accomplishments at mga inisyatibo sa pampublikong sektor.
Ang press briefing na ginawa ay nagbigay-diin sa mga makabuluhang hakbang na isinagawa ni Minister Dr. Sinolinding Jr. upang mapabuti ang kalusugan sa BARMM at tiyakin ang mas maayos at mabisang serbisyo para sa mga mamamayan ng Bangsamoro government sa pangunguna ni BARMM Chief Minister Ahod “Alhaj Murad” Ebrahim sa pagpapatupad ng Moral Governance, isang uri na pamamahalang pang gobyerno nang may takot sa Diyos. (Sahara A. Saban, BMN/BangsamoroToday)