MBHTE-TESD, CFSI Pormal na Pinirmahan ang MOA ng Partnership nito sa CLEP Project
COTABATO CITY (Ika-14 ng Agosto, 2024) — Pormal na isinagawa ng Ministry of Basic, Higher, and Technical Education-TESD (MBHTE-TESD) at Community and Family Services International (CFSI) ang pagpirma ng Memorandum of Agreement (MOA) na partnership nito sa CLEP Project na ginanap nitong ika-12 ng Agosto, sa CFSI Operation Center sa Cotabato City.
Ang nasabing kaganapan ay dinaluhan nina MBHTE-TESD Bangsamoro Director General Ruby A. Andong at Director II Jonaib Usman, kasama sina CFSI Director Noraida Abdullah Karim at Project Coordinator Alizain Tahir.
Inihayag ni BDG Andong ang kanyang buong suporta sa CLEP project na magbibigay ng oportunidad sa mga benepisyaryo. “Nakikita ko ang proyektong ito bilang isang pagkakataon na nagbigay at patuloy na nagbibigay ng oportunidad sa mga benepisyaryo ng Bangsamoro.”
“Malapit na natin makamit ang ating mga layunin; kung hindi man lahat, ay tiyak na 80% nito,” pahayag ni BDG Andong.
Binigyang-diin din ni CFSI Director Abdullah Karim ang kahalagahan ng mga kasanayang isasakatuparan at ang mahalagang papel ng pakikipagtulungan sa pagitan ng CFSI at MBHTE-TESD para sa tagumpay ng proyekto.
“Personal kong nakita ang proseso ng paggawa ng harina sa UP Mindanao, kung saan lahat ng aspeto ng produksyon ay kapaki-pakinabang at may potensyal,” anya pa.
“Kung ang mga kwalipikasyon ay maipapatupad, ito ay magiging malaking oportunidad para sa mga benepisyaryo,” sabi ni Director Karim. (Sahara A. Saban, BMN/BangsamoroToday)