336 Pamilya na Apektado ng Armadong Labanan sa MDN at Mahigit 1,000 Pamilya na Apektado ng Baha sa BARMM, Nakatanggap ng Tulong
COTABATO CITY (Ika-31 ng Hulyo, 2024) —Tumanggap ng tulong ang 336 pamilyang lumikas dahil sa naganap na labanan sa barangay ng Awang, Badak, Kusiong, at Linek sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte noong ika-27 Hulyo 2024. Ang relief operation ay isinagawa ng MSSD Maguindanao del Norte Provincial Office. Ang mga pamilyang lumikas ay pansamantalang nanunuluyan sa Bai Labi Angindarat Residence, at bawat isa ay nakatanggap ng food packs na naglalaman ng 25 kilong bigas, iba’t ibang delata, at instant coffee.
Kahapon, ay namahagi ang Ministry ng 148 cooking kits, 148 sleeping kits, 138 dignity kits, at 20 infant kits para sa mga apektadong pamilya. Patuloy na imo-monitor ng MSSD ang kalagayan ng mga lumikas at titiyakin na makatatanggap sila ng karagdagang suporta upang makabangon muli.
Samantala, namahagi rin ang ministry ng relief assistance sa 1,195 pamilyang apektado ng baha sa mga barangay ng Tapodoc at Pamalian, Tugunan, Special Geographic Area-BARMM mula ika-24 hanggang 25 ng Hulyo, 2024. Ang bawat pamilya ay nakatanggap ng 25 kilong bigas at food packs na naglalaman ng mga de-lata at instant coffee.
Sa kabuuang benepisyaryo, 730 ang mula sa Barangay Pamalian at 465 naman ang mula sa Barangay Tapodoc. Ang tulong na ito ay bahagi ng Emergency Relief Assistance program sa ilalim ng Disaster Response Management Division ng MSSD.
Ang pamamahagi ng tulong ay pinangunahan ng Municipal Social Welfare Office ng Tugunan at mga para-social workers, katuwang ang lokal na pamahalaan ng Tugunan. (Sahara A. Saban, BMN/BangsamoroToday)