Bangsamoro Gov’t. Nagbigay ng Tulong sa Dating ASG Members sa Pamamagitan ng “TABANG sa Sulu” Program
COTABATO CITY (Ika-29 ng Hulyo, 2024 ) — Isinagawa ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang “TABANG sa Sulu” sa ilalim ng Project Tulong Alay sa Bangsamorong Nangangailangan (TABANG) na dedikasyon ng gobyerno sa pagbibigay ng mga mahahalagang serbisyo sa mga mamamayan ng Sulu, na ginanap sa Ministry of Public Works Ground sa Jolo, Sulu, noong ika-28 ng Hulyo.
Ang inisyatibong ito ay bahagi ng Enhanced 12-Point Priority Agenda ni Chief Minister Ahod “Alhaj Murad” Ebrahim, na nakatuon sa pagpapabuti ng mga serbisyong panlipunan. Ang Project Tulong ng Gobyernong Nagmamalasakit (TUGON), na pinamamahalaan ng Ministry of the Interior and Local Government (MILG) ay nagbibigay ng suporta sa mga dating combatants, upang mapadali ang kanilang re-integrasyon sa lipunan.
Ang programa ay nagbigay ng tulong pinansyal at pagkain sa mga dating miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG), kasama ang apat na sako ng bigas, mga grocery items, at 10,000 pesos na tulong pinansyal bawat benepisyaryo. Sa 50 target na dating miyembro ng ASG, 41 ang dumalo at lumahok sa mga aktibidad ng reporma.
Binigyang-diin ni MILG Minister Atty. Sha Elijah B. Dumama-Alba ang kahalagahan ng Project TUGON, “Through Project TUGON, we are not only providing immediate relief but also fostering long-term reformation and reintegration. Our commitment is to ensure that these individuals are given a second chance at life, contributing to a peaceful and progressive Bangsamoro.”
Kasama ni Minister Dumama-Alba si Minister Mohagher M. Iqbal ng Basic, Higher, and Technical Education (MBHTE) sa pamamahagi ng tulong, na nagpapakita ng sama-samang pagsisikap ng gobyerno ng Bangsamoro.
Nagbigay din ng mensahe sina MILG Sulu Provincial Director Emini T Kadiri at LGOO VI Mi’kael Ali Tahil, na binigyang-diin ang suporta ng gobyerno sa reporma ng mga dating mandirigma.
Pinangunahan naman ni Ustadz Abdurahman Alhari, isa sa mga respetadong religious leader, ang counseling sessions upang matugunan psychological at spiritual na pangangailangan ng mga benepisyaryo.
Ibinahagi ni Halisan Julaili Saipul, isa sa mga benepisyaryo ng TUGON, ang kanyang pasasalamat at positibong impresyon sa programa. Ayon sa kanya, nagbigay ito ng pag-asa at bagong kahulugan sa kanyang buhay. Ang pinagsamang pagsusumikap ng iba’t ibang ministeryo at ahensya sa ilalim ng gobyerno ng BARMM ay nagpapakita ng dedikasyon sa kapayapaan at kaunlaran sa Sulu.
Ang inisyatibong ito ay isang mahalagang hakbang tungo sa mas mapayapa at progresibong Bangsamoro, na naglalayong magdala ng makabuluhang pagbabago sa buhay ng mga tao. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)