“Pagpapatibay ng Partido” sentro ng Mensahe ni Gov. Macacua sa UBJP General Assembly at Consultative Meeting
COTABATO CITY (Ika-19 ng Hulyo, 2024) — Sa isang mahalagang pagtitipon ng United Bangsamoro Justice Party (UBJP), ipinahayag ni Gobernador Abdulraof “Gob Sam” Macacua ang layunin ng kanilang assembly na mapalakas ang partido sa darating na eleksyon sa 2025. Sa kanyang mensahe, ipinaliwanag ni Gobernador Macacua ang mga dahilan kung bakit kinakailangan ng UBJP na magpatibay.
“Ang layunin ng pagtitipon na ito ay dahil gusto nating mapalakas ang partido natin na United Bangsamoro Justice Party,” ani Gobernador Macacua.
Ipinaliwanag din niya na ang eleksyon sa 2025 ay hindi lamang isang simpleng eleksyon. “Ang eleksyon na darating ay isang pagpapatuloy ng ating pakikibaka mula pa noon,” dagdag ni Gobernador Macacua, na binigyang-diin na mahalaga ang panalo ng UBJP upang maipagpatuloy ang kanilang mga adbokasiya at reporma sa sistemang pang Gobyerno ng BARMM.
Tinukoy din niya ang mga pakikibaka ng UBJP mula noon at ang pangangailangang ipagpatuloy ito sa pamamagitan ng eleksyon.
“Kaya tayo nag-engage ng war for several decades already is because meron tayong mga initiative, meron tayong mga adbokasiya at mga reporma na kailangan baguhin,” aniya. Isa sa mga ito ay ang pagbabago ng sistema ng pamahalaan, na aniya’y isang mahalagang layunin ng partido.
Binigyang-diin din ni Gobernador Macacua ang kahalagahan ng moral governance, isang adbokasiya ni Chief Minister. “Mababago lang ang lumang sistema ng gobyerno once na mag-success ang moral governance na adbokasiya ni Chief Minister na lahat-lahat tayo kailangan susuportahan,” aniya.
Dagdag pa ni Gobernador Macacua, ang kasalukuyang sistema ng politika ay kailangan ding baguhin. “Normal sa politika na may kalaban, pero bilang Bangsamoro at bilang Muslim, hindi dapat masira ng politika ang ating relasyon,” sabi niya.
Ipinahayag niya na ang UBJP ay naglalayong baguhin ang ganitong sistema at ipatupad ang isang mas makataong paraan ng pakikipagkapwa.
Inilahad din ni Gobernador Macacua ang kanyang personal na karanasan, na nagbigay-diin sa kahalagahan ng pagkakaisa. “Ang pinakamahalaga ay hindi tayo magwatak-watak bilang Bangsamoro. Kung tayo ay magwatak-watak, lahat tayo ay talo,” aniya.
Ayon sa kanya, ang eleksyon ay isang normal na bahagi ng politika, ngunit hindi dapat magdulot ito ng alitan.
Sa huli, muling binigyang diin ni Gobernador Macacua ang pangangailangang palakasin ang partido upang matamo ang tagumpay sa eleksyon at maipagpatuloy ang mga repormang sinimulan.
“Nandito kami upang itulak ang mga pagbabagong kailangan natin sa politika,” wika niya, kasama ang mga kilalang lider tulad nina Chief Minister at Deputy Speaker Pangalian Balindong.
Sa pagtatapos ng pagtitipon, tiniyak ng mga lider ng UBJP ang kanilang dedikasyon sa pagsusulong ng kanilang mga adbokasiya at reporma, na layuning magdala ng tunay na pagbabago sa kanilang komunidad. (Sopia A. Angko, MSU-Maguindanao, OJT ABIS Student, BMN/BangsamoroToday)