UBJP, Patuloy ang Pagpalakas upang Tiyakin na manguna sa 2025 Parliamentary Elections sa BARMM
COTABATO CITY ( Ika-19 ng Hulyo 2024)—Nagsagawa ng General Assembly at Consultative Meeting ang United Bangsamoro Justice Party (UBJP) upang palakasin ang partido at ihanda sa darating na election sa 2025. Ang naturang aktibidad ay naganap sa Sultan Amir M. Balindong Gymnasium, sa bayan ng Malabang, Lanao del Sur kahapon, araw ng Huwebes, ika-18 ng Hulyo 2024.
Bilang pagpapakita ng suporta sa UBJP ay nagka-isa ang mga residente sa bayan ng Malabang mula sa iba’t ibang sektor ng kanilang komunidad kabilang na rito ang Liga ng mga Baranggay, at LGU Matanog sa pangunguna ni Alinader M. Balindong, ang kasalukuyang alkalde ng Matanog upang matagumpay na mairaos ang kauna-unahang General Assembly at Consultative Meeting na isinagawa sa bayan ng Malabang.
Dinaluhan ito ng mga Executive officers ng UBJP sa pangunguna ni Chief Minister Ahod “Alhaj Murad” B. Ebrahim na sya ring Party President ng UBJP, kabilang din sa dumalo sina UBJP Secretary General, Abdulraof “Gob Sam” Macacua, MP Mohammad Kellie Antao, mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Atmed Forces (BIAF) ng MILF at iba pa.
Samantala, ipinakita ni Mayor Balindong ang kanyang suporta at pagnanais na mananaig ang leadership ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa pamamagitan ng UBJP at panghihikayat sa mga tao na suportahan ito sa nalalapit na Parliamentary Election.
Sa ibinahaging mensahe ni Mayor Balindong ay ikinwento nya ang naging parte ng kanilang bayan sa kasaysayan ng Pilipinas simula noong dumating ang pananampalatayang Islam hanggang sa dumating ang mga dayuhang mananakop sa Pilipinas.
Itinuring ni Mayor Balindong na isang magandang oportunidad para sa pagbabago ay ang pakikipagtulungan at pamunuan rehiyon ng mayroong moralidad at hustiya para sa lahat ng Bangsamoro na syang layunin ng leadership ng MILF na kumakatawan sa UBJP. (Norhainie S. Saliao, MSU-Maguindanao OJT ABIS Student, BMN/BangsamoroToday)