325 Iskolar sa Tawi-Tawi, nagtapos sa tulong ng MBHTE-TESD Bangsamoro Scholarship Program
COTABATO CITY (Ika-1 ng Hunyo, 2024) — Naganap ang Graduation Ceremony at Releasing of Training Support Fund na may temang “Skills for Success: Bridging Training to Employment” sa Maas Kamlon Hall sa MSU-TCTO Sanga-Sanga, Bongao, Tawi-Tawi noong Mayo 26, 2024.
May 325 trainees ang matagumpay na nagtapos mula sa mga kurso ng Driving NC-II, Bread and Pastry Production NC-II, Organic Agriculture Production NC-II, Computer System Servicing NC-II, at Technical Drafting NC-II. Ang mga ito ay bahagi ng Bangsamoro Scholarship Program for TVET- Tulong ng Tekbok sa Pag Angat ng Bangsamoro 2024.
Isang makabuluhang mensahe ang ibinahagi ni Minister Mohagher M. Iqbal, na nagsilbing guest speaker sa okasyon. Binigyang diin ni Iqbal ang halaga ng pagsisikap at sakripisyo ng bawat trainee. Ayon sa kanya, “Sa araw na ito ating ipinagdiriwang ang pagtatapos ng isang mahalagang kabanata sa inyong buhay. Hindi biro ang hirap at sakripisyo ng inyong pinagdaanan upang makarating sa puntong ito. Alhamdulillah.”
Nagbigay rin ng kanyang taos-pusong mensahe at pagbibigay-inspirasyon si MP Eddie M. Alih, Chair ng Education Committee ng Bangsamoro Transition Authority. Ang kanyang mga salita ay naghatid ng dagdag na motibasyon para sa mga nagtapos.
Ang tagumpay ng programa ay labis na ikinatuwa ni Dr. Maryam S. Nuruddin, MBHTE-TESD Director I. Ipinahayag niya ang kanyang pasasalamat sa lahat ng naging bahagi ng programa, lalo na kina Minister Mohagher M. Iqbal at MP Eddie M. Alih, na kanilang pagdalo ay nagbigay ng dagdag na inspirasyon sa mga trainees.
Sa kabuuan, ang Graduation Ceremony at Releasing of Training Support Fund ay naging matagumpay na selebrasyon ng determinasyon at dedikasyon ng bawat trainee. Ang nasabing programa ay nagbigay daan sa mas maliwanag na kinabukasan para sa mga nagtapos, na ngayon ay handa nang harapin ang mga bagong hamon sa kanilang mga napiling larangan. (Hasna U. Bacol, BMN/Bangsamoro Today)