Information Communication Technology Month, ginunita sa Bangsamoro region
COTABATO CITY (Ika-10 ng Hunyo, 2024) — Sinimulan ng Bangsamoro Parliament ang pagdiriwang ng Information and Communications Technology (ICT) Month sa pamamagitan ng isang summit na ginanap noong Lunes, ika-3 ng Hunyo sa Cotabato City na pinangunahan ng Management Information System Division (MISD) at temang “Bayang Digital ang Bagong Pilipinas”.
Ang pagdiriwang ayon pa sa nag-organisa ng programa ay binigyan diin dito ang mahalagang papel ng digital transformation sa pambansa at rehiyonal na pag-unlad.
Layunin ng summit na tugunan ang mga pangunahing hamon sa digitalisasyon tulad ng e-governance, cyber-security, at data privacy sa loob ng sistemang parlyamentaryo. Tinalakay ng mga kilalang personalidad mula sa National Privacy Commission (NPC), Department of Information and Communications Technology (DICT), at TechEdge Solutions ang kanilang mga kaalaman sa pagpapalakas ng kamalayan sa data privacy, mga hakbang sa cyber-security, at ang landscape ng digital transformation.
Binigyang-diin ni Christer Cruz, CEO ng TechEdge Solutions, ang kahalagahan ng pagbibigay-priyoridad sa cyber-security bilang isang pangunahing bahagi ng estratehiyang digital development ng BARMM. Kasama dito ang pagbuo ng lokal na kakayahan, pagpapalaganap ng kolaborasyon sa iba’t ibang sektor, at pagpapatupad ng mga patakaran at regulasyon.
Samantala, inihayag ni NPC Deputy Commissioner, Atty. Leandro Angelo Aguirre, ang napapanahong pagkakataon para sa Bangsamoro Parliament na isama ang Data Privacy Act sa kanilang mga patakaran, upang masiguro ang mahigpit na pagsunod sa mga protocol sa paghawak ng datos.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni MISD Chief Engr. Mohammad Nizhar Acmad ang kahalagahan ng modernisasyon ng mga prosesong lehislatibo at pagpapahusay ng serbisyong pampubliko habang sinisiguro ang digital inclusion para sa lahat. Ayon sa kanya, ang pagyakap sa digital transformation ay isang hakbang tungo sa mas maunlad na kinabukasan para sa rehiyong ng Bangsamoro. (Hasna U. Bacol, BMN/BangsamoroToday)