Camps Transformation Project inilatag sa BDA Oryentasyon ng ‘SPP Development and Preparation’
COTABATO CITY (Ika-7 ng Enero, 2024) — Ang Bangsamoro Development Agency (BDA Inc.) sa pakikipagtulungan ng Community and Family Services International (CFSI) ay nagsagawa ng oryentasyon sa Sub-Project Proposal Development and Preparation noong Enero 3, 2024, sa BDA Training Center lungsod.
Ang nasabing oryentasyon ay naglalayong magkaroon ng malinaw na pag-unawa sa mga kalakip at proseso ng paggawa ng sub-project proposal para sa Bangsamoro Camps Transformation Project (BCTP).
Binigyang-diin ni BCTP Project Coordinator Kadafy Sinulinding sa kanyang mensahe na ang aktibidad ay bahagi ng paghahanda ng mga sub-project proposal na nakapaloob sa step 3 ng mga yugto ng pagpapatupad ng proyekto.
“After this orientation, we are going to have a community writeshop on SPP with the members of farmers’ cooperatives, women and youth groups, and IP groups together with the Joint Task Forces on Camps Transformation,”(Pagkatapos ng oryentasyong ito, magkakaroon tayo ng community writeshop sa SPP kasama ang mga miyembro ng farmers’ cooperatives, women and youth groups, at IP groups kasama ang Joint Task Forces on Camps Transformation),” ayon kay Sinulinding.
“It is important to note that the writing of proposals will be done by the beneficiaries with the help of JTFCT members and with BDA technical guidance,” (Mahalagang tandaan na ang pagsulat ng proposals ay gagawin ng mga benepisyaryo sa tulong ng mga miyembro ng JTFCT at sa teknikal na patnubay ng BDA),” idinagdag ni Sinulinding.
Hinikayat din niya ang lahat na aktibong lumahok at makinig nang mabuti upang magkaroon ng mga kinakailangang kaalaman na kailangan sa paghahanda ng SPP.
Samantala, magsisimula ang pagtatayo ng mga socio-economic infrastructure (SEIs) at community facilities (CFs) sa mga kampo pagkatapos ng pag-apruba ng SPP.
Higit pa rito, optimistiko ang BDA tungkol sa pag-eendorso ng packaged at refined sub-project proposals sa CFSI sa loob ng kinakailangang timeline.
Ang BCTP ay ipinatutupad ng Bangsamoro Development Agency (BDA Inc.) sa pakikipagtulungan sa CFSI – Community and Family Services International. Pinopondohan ito sa pamamagitan ng Bangsamoro Normalization Trust Fund (BNTF) na pinangangasiwaan ng World Bank. (Tu Alid Alfonso, BMN/BangsamoroToday)