UBJP President Al-haj Murad, nanguna sa oath taking ceremony ng mga Mayor sa Maguindanao del Sur
COTABATO CITY (November 24, 2023) – Nanumpa ang mga Mayors, Vice Mayors, Councilors at iba pang miyembro ng United Bangsamoro Justice Party (UBJP) mula sa Maguindanao del Sur bilang tanda na sila’y opisyal ng nagpapasakop sa hangarin ng Bangsamoro political party. Ito ay pinangunahan ni Al-haj Murad Ebrahim ang Presidente ng UBJP, kasama si Mohagher Iqbal bilang Panaglawang Pangulo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) political party at iba pang mga matataas na opisyales ng partido. Ang “oathtaking ceremony” ay ginanap sa bagong Headquarter ng UBJP sa Tamontaka dito sa lungsod alas dyes (10:00) ng umaga kahapon araw ng Huwebes.
Layunin ng UBJP na pinangungunahan ni Al-haj Murad ay upang maisagawa ang kautusan ng Allah na tamang sistemang pamamalakad. Kung maitama ang pamamalakad ay hindi mawawala ang kabuluhan ng Bangsamoro struggle dahil may magandang maidudulot sa mga pagbabago, punto pa ni Al-haj Murad.
Sinabi din nito na ang Bangsamoro government ay isang kasangkapan para maipatupad ang tamang pamumuhay kung kaya’t ang adbokasiya ng Bangsamoro government at ay nakabatay sa Moral Governance.
“Ang katuruan ng Islam ay isang ‘universal’. Ito ay pwede sa mga Muslim o sa Non-Muslim na pananampalataya,” wika ni Al-haj Murad.
“Ang totoong ibig sabihin ng politika ay pagsasagawa ng tama na pamamalakad kung saan dala nito ang Moral Governance,” pagbibigay diin ni Al-haj Murad.
Dagdag pa nya, “Kung ano ang moral values na katuruan ng Islam na makakabuti sa mga nasasakupan, sa komunidad at sa samahan iyon ang ating gagawin.”
Kanya ding isinalaysay na ang pagsasabuhay ng moral governance ay hindi lamang sa BARMM ngunit ito ay kanilang ipatutupad sa buong komunidad ng Bangsamoro. Mula sa mga barangay, munisipyo at sa mga probinsiya ay kanilang isusulong ang moral governance.
Panawagan rin niya sa mga political leaders na sumanib sa UBJP, na inaasahan nitong maisakatuparan nila ang kanilang sinumpaan sa Partido.
“Dahil tayo ay nandito na sa demokratikong proseso nang ating political party, ito ang magiging sandata natin,” ayon pa sa pinuno ng UBJP. (Saima H. Angcog, BMN/BangsamoroToday)
Barakallah…