MBHTE-Basic Education nagdiwang ng Eid’l Fitr, education partners pinasalamatan
COTABATO CITY (April 25, 2023) – Nagdiwang ang Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE)-Basic Education, kasama ang mga partners in education sa ginanap na “Eid’l Fitr Celebration with Partners”, na pinangunahan ni Abdullah P. Salik ang Director General for Basic Education na ginanap kahapon sa Nursalam Hall, Al-Nor Hotel and Convention Center, Cotabato City, April 24, 2023.
Sa pambungad na pananalita ni Salik, anya, “Dalawa lang ang pinaka importanteng araw ng mga Muslim, ang eid’l adha at eid’l fit’r. So, gusto po ng basic education na makasama po natin ang mga partners natin sa pagdiwang ng ating eid’l fitr sa pamamagitan lamang ng ganitong okasyon, this is an informal activity pero ito na po yung pagkakataon na magkikita at magkakikilala.
Ayon kay Dr Anwar Z. Saluwang, MBHTE education consultant, “Ang activity na ito ay para sa ating lahat lalo na sa ating partners. Ang mga partners na ito na naging katulong ng MBHTE para punuan yung mga hindi namin kayang punuan, ito rin ang pag-recognize sa pagtulong ng ating mga partners.”
Nagbalik tanaw naman si Sheikh Nasrudin Musa, UNYPAD National Da’wah Committee patungkol sa sakripisyo at magagandang aral ng Ramadhan. “Tinuruan tayo ng Ramadhan para magbago at maiwasan natin yung mga nakasanayan nating kaugalian na kahit ‘halal’ sa atin (Muslim) na gawin sa umaga ay hindi pwedeng gawin sa oras ng pag-ayuno.”
Samantala, muling ginunita ni MBHTE Minister Mohagher Iqbal ang kahalagahan na naabot ng peace process sa pagitan ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front o MILF at pagpapahalaga sa kapayapaan. “There is only one option, and that is the option of peace wala ng ibang option kaya kaylangan magtulungan tayo dahil ang peace ay para sa lahat. Specially the generations yet to come kasi sila ang makikinabang. We are now starting to harvest what has been reach by the older generations,” wika pa ni Iqbal.
Nagbigay din ng support message si Noraida S. Chio ng The Asia Foundation, “All this years as partners of MBHTE, we are happy to witness how MBHTE being the biggest office in the region transform itself to a ministry that is conscious and responsive to the needs of its work force, its learners and communities it serve.” Sinabi ni Chio na patuloy silang susuporta sa mga programang makakatulong sa pagpapaunlad ng edukasyon sa Bangsamoro region.
Kabilang sa dumalo ang Plan International Philippines (PIP), International Labour Organization (ILO) Community and Family Services International (CFSI), United Youth for Peace and Development, (UNYPAD), Geneva Call, LENTE, The Asia Foundation (TAF) at Consortium of Bangsamoro Civil Society, (CBCS) at marami pang NGO partner ng MBHTE. Pumunta din sa programa ang MBHTE Deputy Minister Haron S. Meling kasama ang Directorate General for Madaris Education Prof. Tahir G. Nalg. (BMN-USM BSIR Interns/BangsamoroToday, Litrato ni Ali-Emran U. Abutazil)