“Von Al-Haq” nanumpa sa tungkulin bilang bagong BARMM Senior Minister
COTABATO CITY (April 25, 2023) – Nanumpa sa kanyang tungkulin bilang bagong BARMM Senior Minister Abunawas “Von Al-Haq” Maslamama na pinangasiwaan ni BARMM Chief Minister Ahod B. Ebrahim sa presensya nila Deputy Senior Minister Abdullah Cusain, ilang pangunahing opisyal ng BARMM, at media personnel.
Nagpahayag ng pasasalamat si Senior Minister Maslamama kay Punong Ministro Ebrahim at sa iba pang kasamahan sa government of the day para sa ipinagkatiwalang posisyon na nakaatang na gawain ng Senior Minister.
Matatandaan na bago ang opisyal na appointment ni Maslamama, hiniling siya ni Ebrahim na tanggapin ang posisyon at pumalit sa dating Senior Minister ng BARMM Abdulraof Macacua na ngayon ay nanunungkulan bilang Maguindanao del Norte OIC governor.
Nangako naman si Maslama na magtatrabaho siya ng mahusay, “Rest assured that I will work properly, progressively, and fruitfully within the dictates of my mandates.”
Sinabi ni Maslamama na gagampanan nya ang kanyang mga tungkulin at responsibilidad sa abot ng kanyang kakayahan na nasa loob ng saklaw ng mga direktiba ng Senior Minister.
Ang oath-taking ay ginanap sa Office of the Chief Minister, Bangsamoro Government Center, noong Lunes, ika-24 ng Abril sa lungsod ng Cotabato.
Si Von Al-Haq o Maslamama ay ang tagapagsalita ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at naging deputy minister noon ng Ministry of Transportation and Communications (MOTC) at kasalukuyang deputy minister ng Ministry of the Interior and Local Government (MILG). (Radjamie A. Manggamanan, BMN/USM-BSIR Intern/BangsamoroToday, Litrato ni Faydiyah Samanodi Akmad/BMN)