BMN at BangsamoroToday, Kinilala sa UBJP Media Conference at Year-end Kanduli
COTABATO CITY (Ika-22 ng Disyembre, 2025) — Nagpahayag ng pasasalamat ang Bangsamoro Multimedia Network (BMN) at BangsamoroToday.com, kasama ang kanilang mga KaNetwork, sa pagkilalang ipinagkaloob sa mga naiambag ng kanilang Internet Radio Station sa larangan ng makabuluhang pamamahayag.
Ang pagkilala ay ibinigay sa isinagawang “United Bangsamoro Justice Party (UBJP) Media Conference and Year-End Kanduli” ngayong Lunes, Disyembre 22, 2025, na ginanap sa Robinson’s Hall 1 at 2 ng Alnor Conventions and Hotel sa Cotabato City, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ayon sa BMN at BangsamoroToday.com, na pinamumunuan ng Chairman nito na si Tu Alid Alfonso, at ang BMN Executive Director Faydiyah Samanodi Akmad, ang pagkilalang ito ay nagsisilbing inspirasyon upang higit pang paigtingin ang kanilang tungkulin sa paghahatid ng tumpak, responsable, at makabuluhang impormasyon sa mamamayan ng Bangsamoro.
Pinangunahan ng United Bangsamoro Justice Party (UBJP) party President nito na si Ahod Alhaj Murad B. Ebrahim, sa pamamagitan ng kanyang Vice President Mohagher M. Iqbal na nilagdaan ni Engr. Mohajirin T. Ali ang pagbigay ng sertipiko sa mga media na kabilang sa tumutok sa kampanya ng partido nitong nakaraang National at Local Elections 2025 upang maipaabot ang mensahe at programa sa publiko.
Ang naturang aktibidad ay bilang bahagi ng kanilang year-end gathering, na layong palakasin ang ugnayan sa media at kilalanin ang mahalagang papel ng pamamahayag sa pagsusulong ng kapayapaan, kaunlaran, at mabuting pamamahala sa rehiyon. (BMN/ BangsamoroToday)