238 Bagong Guro at Kawani mula sa Maguindanao del Norte at Marawi City, Pormal ng Nanumpa ng Katungkulan sa MBHTE

(Larawan mula sa MBHTE-BARMM)

COTABATO CITY (Ika-16 ng Oktubre, 2025) — Pormal na tinanggap ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE) ang 238 bagong talagang guro at kawani, kabilang ang isang (1) non-teaching personnel, mula sa Schools Division Offices (SDOs) ng Maguindanao del Norte at Marawi City sa ginanap na Mass Signing of Appointments and Oath-Taking Ceremony ngayong Oktubre 15, 2025, sa Notre Dame Village Central Elementary School Covered Court.

Mula sa kabuuang bilang, 107 ang mula sa Maguindanao del Norte at 131 naman ang mula sa Marawi City. Lahat sila ay matagumpay na nakapasa sa masusing proseso ng hiring at evaluation na isinagawa ng Regional Human Resource Merit Promotion and Selection Board ng MBHTE.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Minister Mohagher M. Iqbal ang kahalagahan ng patuloy na pagkatuto at propesyonal na pag-unlad ng bawat guro at kawani bilang mahalagang sandigan sa pagbibigay ng de-kalidad na edukasyon sa mga mag-aaral ng Bangsamoro.

“Dapat kayong mga teachers, continue the learning process. It’s not enough na Teacher I kayo, it’s not enough na nakakuha na kayo ng item—hindi doon nagtatapos. Palawakin pa ninyo ang inyong kaalaman. And remember, the learners today are the hope of our fatherland,” pahayag ni Minister Iqbal.

Ayon sa MBHTE, ang pagtanggap sa mga bagong kawani ay bahagi ng patuloy na pagsusumikap ng ministeryo na maghatid ng de-kalidad, inklusibo, at mapagpabagong edukasyon para sa lahat ng mag-aaral sa Bangsamoro.

Ang mga bagong guro at kawani ay inaasahang magiging katuwang ng MBHTE sa pagsusulong ng transformative education, na naglalayong tiyaking walang Bangsamoro learner ang maiiwan sa pag-abot ng kanilang mga pangarap at sa pagpapaunlad ng rehiyon. (Tu Alid Alfonso, BMN/BangsamoroToday)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Previous post CSU, Pinangunahan ang Turnover, Ribbon Cutting, at Unveiling ng Peace Center Marker sa Paggunita ng Ika-13 Anibersaryo ng Framework Agreement on the Bangsamoro
Next post BTA, Dapat Magkaroon ng Malinaw na Posisyon sa Isyu ng Unang BARMM Parliamentary Election — Atty. Bacani