
Vice Governor Nando, Pinangunahan ang courtesy visit sa LGU ng Datu Paglas MDS

COTABATO CITY (Ika-15 ng Oktubre, 2025)— Pinangunahan ni Vice Governor Ustadz Hisham S. Nando, ang Courtesy Visit sa Local Government Unit (LGU) ng Datu Paglas, Maguindanao del Sur, kasama sina Provincial Administrator Datu Nur-Ali U. Midtimbang at mga kasapi ng Sangguniang Panlalawigan na sina Hon. Bai Faujiah B. Mangelen, Hon. Rahib Nando, at Hon. Datu Sapak Midtimbang, noong Martes Oktubre 14.
Layunin ng courtesy visit na palakasin ang ugnayan ng Pamahalaang Panlalawigan at ng lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng pagtalakay sa mga pangunahing programa at proyektong ipinatutupad sa bayan.
Mainit naman na sinalubong nina Mayor Ibrahim “Jun Jun” Paglas at Vice Mayor Abubakar Paglas, kasama ang mga opisyal ng Lokal na Pamahalaan ng Datu Paglas. Pinag-usapan nila ang nalalapit na Founding Anniversary ng bayan, na nakikitang isang mahalagang pagkakataon upang itampok ang kultura, pagkakakilanlan, at pagkakaisa ng komunidad bilang pundasyon ng patuloy na pag-unlad ng Datu Paglas.
Sa ilalim ng pamumuno ni Gobernador Datu Ali M. Midtimbang, ipinahayag ng Pamahalaang Panlalawigan ang buong suporta nito sa mga inisyatiba ng mga bayan na naglalayong paunlarin ang kabuhayan at kalidad ng buhay ng mga mamamayan sa Maguindanao del Sur.
Ang naturang pagbisita ay nagpapakita ng patuloy na pangako ng Pamahalaang Panlalawigan sa pagpapatibay ng kooperasyon sa pagitan ng mga lokal na pamahalaan, sa pagtataguyod ng pagkakaisa at inklusibong kaunlaran para sa buong lalawigan ng Maguindanao del Sur. (Noron M. Rajabuyan, BMN/BangsamoroToday)